EDITORYAL - Drug recycling at ‘ninja cops’
ISA sa malaking problema ng bansa ngayon ay ang illegal drugs. May mga nahuhuli at nakukumpiskang droga subalit walang pagkaubos. Tila balon na hindi nauubusan ng tubig. Kapansin-pansin din naman na mahina ang pamamaraan ng mga awtoridad kung paano mapuputol ang pamamayagpag ng drug syndicates. Pawang maliliit din na drug pushers ang naaaresto at walang bigtime drug traffickers na naikakalaboso.
Lalo pang tumindi ang problema nang may mga drug enforcers na nasasangkot sa recycling ng shabu. Dalawang linggo na ang nakararaan, naaresto ng mga pulis ang isang PDEA official at dalawa niyang agents sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City. Ang mga naaresto ay sina PDEA Southern District Office chief Enrique Lucero at agents na sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno. Ang kanilang driver na si Mark Warren Mallo ay inaresto rin. Nakuha sa mga suspek ang 1-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.8 milyon. Ayon sa hepe ng Southern Police District, matagal na nilang sinu-surveillance ang tatlo. Naaresto ang tatlo sa mismong tanggapan ng PDEA.
Isa pa sa nagdadagdag ng problema sa illegal drugs ay ang pagbabalik ng “ninja cops” o ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade. Isa sa mga itinuturong “ninja cop” ay si S/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) na naaresto noong Oktubre 8 at nahulihan ng halos 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso. Dati nang ipinatapon si Mayo sa Mindanao noong 2016 dahil sa pagiging “ninja cop” subalit nakabalik sa PDEG. Sabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., pinaiimbestigahan na niya ang isang mataas na opisyal ng pulisya na backer ni Mayo kaya nakabalik ito sa drug enforcement unit sa kabila ng pagiging “ninja cop”.
Nararapat na pangalanan ni Azurin ang backer ni Mayo. Paano malalaman ng publiko ang mga “kumakanlong” sa ninja cop? Kung ang maliliit na pulis na sangkot sa droga ay pinapangalanan, bakit hindi ang “malalaking isda”? Dahil sa pagtatakipan sa PNP kaya dumarami ang mga scalawags na pulis.
Tapusin na ang pamamayagpag ng mga scalawags sa PNP. Lipulin ang mga nagre-recycle ng droga at pati na ang “ninja cops”. Kung hindi sila malilipol, wala nang katapusan ang problema sa illegal drugs. Para na rin maisalba ang PNP.
- Latest