BUMABAHA ang smuggled na sibuyas at iba pang agricultural products mula sa China. Hindi na masawata. Nagpapatunay lamang ito na binabalewala ng mga smugglers ang batas ng Pilipinas. Hindi nila kinatatakutan. Posible rin na kaya malakas ang kanilang loob ay sapagkat marami silang kakutsabang korap sa Bureau of Customs at Department of Agriculture at nagbabakasakali pa rin na makalulusot ang mga epektos. Hindi naman porke at maraming nahaharang ngayon ang BOC, wala nang korap sa mga opisyal at tauhan nito. Gusto namang ipakita na kahit paano, gumagalaw ang BOC.
Ni-report ni BOC Commissioner Yogi Felimon Ruiz na mula Disyembre 6-22, nakakumpiska na sila ng P171,350,000 milyong halaga ng smuggled na pula at puting sibuyas mula sa China. Nagsagawa umano ng eksaminasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Manila International Container Port (MICP) at nadiskubre ang mga sibuyas. Bukod sa mga sibuyas, nakumpiska rin ang frozen food products na kinabibilangan ng prawn balls, lobster at crabstick, udon noodles at fresh carrots. Ang mga kargamento ay nasa 20 containers at naka-consigned sa Taculog J International Consumer Goods Trading, Alabang, Muntinlupa City. Ayon kay Ruiz, matagal na nilang mino-monitor ang Taculog.
Nagkaroon din umano ng inspeksiyon ang BOC sa Subic port at natuklasan sa 44 containers ang iba’t ibang agricultural products nagmula sa China at nakapangalan sa Azterzenmed at Victory JM.
Patuloy ang pagbaha ng smuggled na sibuyas at walang ibang apektado rito kundi ang mga lokal na magsasaka. Kung hindi mapuputol ang mga salot na smugglers sa kanilang ginagawa, mawawalan ng ikabubuhay ang mga kawawang magsasaka. Walang bibili ng sariling produce sapagkat mas mura ang smuggled na sibuyas. Ang resulta, ibebenta ng mura at talo ang mga magsasaka sa gastos sa pagtatanim.
Supilin ang mga smugglers ng agri products. Ipatupad ang Republic Act No. 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act). Nakasaad sa batas na ang malakihan o malawakang pag-i-smuggle ng agricultural products ay isang pananabotahe sa ekonomiya ng bansa at may katumbas na mabigat na kaparusahan at multa.
Ayon sa report, may 20 smugglers ng puti at pulang sibuyas ang namamayagpag ngayon, ayon sa grupong Sinag. Ayon naman sa BOC, 30 ang smugglers ng gulay at nakatakda na raw nilang kasuhan ang mga ito.
Kung nalalaman na ng BOC ang smugglers, ano pa ang hinihintay? Sampahan na sila ng kaso. Dapat silang makulong.