EDITORYAL - Isaayos ang pabahay sa mga walang bahay
MULA ngayong 2022 hanggang 2028, target ni President Ferdinand Marcos Jr. na makapagpatayo ng 1-milyong housing units bawat taon hanggang para masolusyunan ang kakulangan sa bahay nang maraming mamamayan particular ang mga mahihirap. Isa sa problema nang nakararaming Pilipino ay walang sariling bahay at lupa. Karamihan ay galing probinsiya at nag-squat sa maraming lugar sa Metro Manila. Pati sa pampang ng estero, nagtayo ng barung-barong. Maging sa mga tabi ng riles ng tren ay nagsulputan ang mga barung-barong.
Maraming government financial institutions (GFIs) ang sumuporta sa mass housing program ni Marcos Jr. Unang-una na rito ang Pag-IBIG, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at LandBank of the Philippines (LBP) at iba pa. Sa Memorandum of Agreement na nilagdaan ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), nangako ang SSS, GSIS at LBP na susuportahan ang programa sa pabahay.
Isa ito sa magandang programa ng pamahalaan at hindi sana matulad sa ibang housing program ng mga nakaraang administrasyon na nasayang. Marami ring naipatayong bahay ang administrasyon ni Cory Aquino at Fidel V. Ramos pero ang iba ay nasayang lang at napabayaan. May mga low-cost housing projects na pinatayo sa ilalim ng Cory administration pero marami ang hindi nakabayad sa buwanang hulog kaya naremata. Mataas ang amortization. May mga ipinatayong condo si FVR sa Tondo at Osmeña Highway sa Maynila at Taguig pero pinabayaan ng beneficiaries. Nagkasira-sira na ang mga gusali at naging marusing dahil sa mga sala-salabat na sampay ng mga damit. Itsurang squatters din. Marami sa mga homeowners ang ibinenta ang unit at nag-squat muli.
Maski ang BLISS project ni dating First Lady Imelda Maros ay nawalan ng saysay. Halimbawa ay ang BLISS sa H. Santos St. Makati City na “binaboy’’ ng mga residente. Nagtayo ng kung anu-anong istruktura ang mga nasa ground floor ng building kaya nagmistulang tirahan ng squatters ang dating.
Mas mainam kung idadaan sa masusing pag-iimbestiga ang mga pagkakalooban ng bahay at lupa para hindi masayang. At gawing affordable ang bayad para hindi mahirapan ang benepisyaryo. At higit sa lahat, dapat may kuryente at tubig ang mga bahay na ipamamahagi. Isaayos ang pabahay upang hindi mawalan ng saysay ang programa. Kung papalpak, pera ng taumbayan ang nasayang.
- Latest