Na-bankrupt na milyonaryo, naging street food vendor para mabayaran ang mga utang!

ISANG naluging milyonaryo sa China ang nagbabayad ng utang niyang 46 million yuan sa pamamagitan ng pagtitinda niya ng inihaw na sausage sa isang street food stall!

Tinaguriang “most successful businessman” sa siyudad ng Hanzhou noon si Tang Jian. Sa edad na 36, nakapagpatayo siya nang maraming restaurants sa buong Zhejiang Province.

Ngunit noong 2005, nag-invest siya nang malaking pera sa isang landscape engineering business. Kahit nakikita na niya na nalulugi ang proyekto, patuloy pa rin siya sa pag-invest hanggang malubog siya sa utang.

Ngayon ay 52-anyos na si Tang Jian at patuloy pang lumobo ang kanyang mga utang. Kinailangang ibenta lahat ang kanyang mga restaurant, bahay at mga kotse para may maibayad.

Pero kahit naibenta na niya halos lahat ng kanyang ari-arian, umabot pa rin sa 46 million yuan (katumbas ng P368 milyon) ang kanyang kailangang bayarang utang. Dahil dito kailangan niyang mag-declare ng bankruptcy.

Imbis na sumuko, naisipan ni Tang Jian na bumalik sa kanyang pinanggalingan—ang pagtitinda ng grilled sausage. Dahil kulang ang kanyang puhunan para sa isang restaurant, sa isang food stall niya sinimulan ang kanyang pagbangon.

Maraming Chinese netizens ang humanga kay Tang Jian. Dahil dito, mara­ming taga-Zhejiang ang dumayo sa food stall ng dating ­milyonaryo para bumili ng kanyang sausage.

Show comments