Dear Attorney,
Higit anim na buwan po ako sa bago kong trabaho at may nakapagsabi na rin po sa akin na tapos na raw ang probationary period ko. Ang ipinagtataka ko lang ay wala pa po akong pinipirmahang employment contract na nagsasabing regular na empleyado na ako. Paano po yun? — Emma
Dear Emma,
Sa ilalim ng Labor Code, hindi dapat lalagpas sa 180 araw o anim na buwan ang probationary period para sa isang bagong hire na empleyado, bukod na lang kung may napagkasunduan ng employer at ng empleyado na magtakda ng higit sa nabanggit na panahon. Kapag hinayaan ang isang probationary employee na magtrabaho matapos ang panahon para sa probationary period, ipagpapalagay na siyang regular employee sa ilalim ng batas, may pinirmahan man siyang employment contract o wala.
Sa sitwasyon mo ay regular employee na dapat ang status ng iyong employment kung talagang anim na buwan lang iyong probationary period at wala kayong napagkasunduan ng employer mo na mas matagal na panahon para rito. Hindi mo na kailangang pumirma ng kontratang nagsasabing regular na empleyado ka dahil automatic nang ipinagkakaloob ang status ng pagiging regular employee sa mga empleyadong hinayaang magpatuloy sa kanilang trabaho matapos ang kanilang probationary period.
Pero siyempre, mas maganda pa rin na may written na employment contract na hawak ka para malinaw sa iyo kung ano ang mga benepisyo mo sa ilalim ng polisiya ng iyong kompanya. Mahalaga rin na malaman mo na ang mga nabanggit ko ay angkop lamang para sa mga direct hire ng isang employer. Labas sa usapan ang mga empleyado na nasa ilalim ng isang agency dahil iba ang mga applicable na batas at patakaran para sa kanila ukol sa usapin ng pagkakaroon ng regular employee status.