EDITORYAL - Babala sa police scalawags
NAGBABALA si Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga miyembro at opisyal ng law enforcement agencies na gumagawa ng kasamaan lalo na ang sangkot sa illegal drugs. Sabi ni Abalos, maglulunsad siya nang “madugong kampa nya” laban sa mga scalawags at wala siyang sasantuhin.
Ang babala ni Abalos ay kasunod nang pagkakahuli sa isang opisyal at tatlong miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang linggo sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City. Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis at nadakip sina PDEA Southern District Office chief Enrique Lucero at agents na sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno. Ang kanilang driver na si Mark Warren Mallo ay inaresto rin. Nakuha sa mga suspek ang 1-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.8 milyon. Ayon sa hepe ng Southern Police District, matagal na umano nilang sinu-surveillance ang tatlo at nang matiyak na sangkot sila sa illegal drugs, ikinasa nila ang buy-bust. Nahuli sila mismo sa opisina ng PDEA.
Hindi maitago sa mukha ni Abalos ang pagkadismaya dahil kung sino pa ang mga huhuli sa sangkot sa droga, sila ang pinosasan at ngayo’y nahaharap sa mabigat na kaso. Ilang linggo na ang nakararaan, ipinagmalaki pa ni Abalos ang PDEA makaraang mahuli ang isang pulis-MPD na nagbebenta ng shabu. Nakuha sa pulis ang 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng P1 bilyon.
Dapat lang maglunsad ng “madugong kampanya” sa scalawags si Abalos. Hindi lamang ang mga tauhan ng PDEA ang sangkot sa bentahan ng droga kundi pati mga pulis din na naka-assigned sa narcotic unit. Maraming police scalawags na ang nakukumpiskang droga ay nire-recycle. Dapat talagang malipol na ang mga police scalawags. Gawin na ang “madugong kampanya” para matapos na ang problema sa illegal na droga.
- Latest