MATAGAL nang idea ang food pill kapalit sana ng mga regular na pagkain at pinapangarap na tutugon sa mga kagutuman pero nananatili pa rin itong science fiction. Tila hanggang guniguni lamang iyon. Wala pang nakakaimbento nito bagaman may ilang nagtatangkang mag-eksperimento sa bagay na ito. Pero, ang sabihing food pill ang kinakain ng mga astronaut sa outer space ay napakalayo sa katotohanan. Katotohanang maging ang mga pelikula at television shows na nagpapakita ng mga kathang-isip na buhay sa outer space ay hindi kakikitaan ng mga karakter nito na kumakain ng food pill habang lulan ng isang spacecraft o nasa loob ng isang space station o nasa ibang planeta o bumibiyahe sa outer space. Kalimitan ay gulay o prutas.
Naungkat ang food pill nang imungkahi kamakailan ng isang kongresista sa hepe ng Department of Science and Technology ang pag-imbento ng ganitong pildoras na tulad ng kinakain ng mga astronaut para matugunan ang gutom ng mga mahihirap para hindi na nila kailangang kumain ng regular na pagkain sa loob ng maraming buwan. Kaso, lihis sa realidad ang ipinahihiwatig niya na mga food pill ang kinakain ng mga astronaut. Taliwas ito sa mga impormasyong makikita sa mga babasahin, video o maging sa internet at ibang sources patungkol sa mga pagkain ng mga astronaut sa kalawakan.
Sa website nga ng National Aeronautics and Space Administration ng United States, nakasaad na regular na pagkain din ang kinakain ng mga astronaut pero inihahanda ang mga ito sa iba’t ibang paraan at anyo. May mga pagkaing kinakain sa kanilang natural na anyo tulad ng brownies at prutas. Merong pagkain na kailangang dagdagan ng tubig tulad ng macaroni at cheese o spaghetti. Meron namang oven sa space station para initin ang pagkain. Walang refrigerator sa kalawakan kaya ang mga pagkain dito ay ipinipriserba sa tamang paraan para hindi masira. Meron ding ketchup, mustard at mayonnaise. May nakalaang paminta at asin na pampalasa sa pagkain pero nasa liquid form ang mga ito. Kahit nasa space, nakakakain din ang mga astronaut ng karne ng baka, manok, seafood, candy at peanut butter. Kabilang sa kanilang inumin ang kape, tsaa at orange juice.
Sa katunayan, kabilang sa ineeksperimento ng mga astronaut na tumatao sa International Space Station ang pagtatanim at pagpapatubo ng mga gulay sa kalawakan na naging matagumpay sa ilang pagkakataon. Ni walang mga indikasyon sa naglalabasang mga ulat sa mga aktibidad ng mga astronaut sa ISS na food pill ang kanilang agahan, tanghalian at hapunan o kaya ay nag-eeksperimento sila sa pildoras na pagkain. Meron silang mga tabletas pero mga vitamin ang mga ito at hindi pamalit sa regular na pagkain.
Maging sa hiwalay at sariling space station ng China, mga regular na pagkain din ang kinakain ng kanilang mga astronaut tulad ng shredded pork in garlic sauce, kung pao chicken, black pepper beef, pickled cabbage at shredded pork na kabilang sa 120 dishes na inihahanda sa maraming paraan at maaari nilang pagpilian. Wala sa kanilang menu ang food pill.
Pero, sabihin nang puwedeng makaimbento ng food pill at, kung makakalikha nga nito, madali ba itong matatanggap ng mga mahihirap na Pilipino? Makukumbinsi ba sila agad na kumain ng food pill gayong alam nilang ang mga taong nakakaluwag sa buhay ay patuloy na nakakakain ng mga regular na pagkain?
Email: rmb2012x@gmail.com