Absent bago at ­matapos ang holiday, may matatangap bang holiday pay?

Dear Attorney,

Kung absent po ang employee before and after ng holiday, tama po ba na walang makukuhang sahod para sa mismong araw ng holiday? —Rolly

Dear Rolly,

Depende kung ang empleyado ay (1) pumasok sa trabaho sa araw bago ang mismong holiday o (2) kung siya ay naka-leave with pay sa araw bago ang mismong holiday. Kung “oo” ang sagot sa alinmang katanungan, dapat siyang bayaran ng holiday pay.

Nakasaad sa Rule IV, Book III ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code na maaring hindi magbayad ng holiday pay ang employer kung ang empleyado ay umabsent ng walang bayad o iyong tinatawag na naka-leave without pay sa araw bago ang holiday.

Kung ang empleyado naman ay umabsent sa araw bago ang holiday pero siya ay naka-leave with pay sa araw na iyon, kailangan siyang bayaran ng holiday pay.

Paano naman kung magkasunod ang dalawang holidays? Bayad ang parehong holidays kung pumasok ang empleyado o kung siya ay naka-leave with pay sa araw bago ang naunang holiday.

Kung ang empleyado naman ay absent ng walang bayad o naka-leave without pay sa araw bago ang naunang holiday ay maaring hindi siya bayaran para sa dalawang magkasunod na holidays. Kung siya naman ay papasok sa trabaho sa araw ng naunang holiday, kailangan na siyang bayaran para sa kasunod holiday kahit pa siya ay hindi pumasok sa araw na iyon.

Show comments