Dear Attorney,
May nagbebenta po sa akin ng lupa pero tax declaration lang ang hawak niya dahil wala pa raw siyang titulo. Pwede ko po bang asahan ang tax declararation bilang katibayan na sa kanya nga ang lupa? — Andy
Dear Andy,
Hindi katumbas ng titulo ang tax declaration kaya hindi ka maaring umasa lamang dito kung gusto mong makasigurado na ang nagbebenta sa iyo ng lupa ang may-ari nito.
Ayon sa Palali v. Awisan (G.R. No. 158385, February 12, 2010), ang tax declaration ay hindi konklusibong pruweba ng pagmamay-ari ng lupa. Ayon din sa Korte Suprema sa kaso ng Daclag v. Macahilig (G.R. No. 159578, July 28, 2008), hindi maaring asahan ang tax declaration dahil hindi katulad ng titulo ng lupa, wala namang nakasaad doon na nagbibigay ito ng anumang karapatan ng pagmamay-ari sa pangalang nakalagay.
Hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang silbi ang mga tax declaration ukol sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa. Para sa mga magpaparehistro ng titulo, magandang pruweba ang tax declaration para patunayan ang naging pag-okupa ng aplikante sa lupa.
Ayon kasi sa Korte Suprema sa Republic v. Sta. Ana-Burgos (G.R. No. 163254, 1 June 2007), magandang indicia o senyales ng pagtira sa lupa ang pagkakaroon ng tax declaration dahil wala namang tao na nasa tamang pag-iisip ang magbabayad ng amelyar para sa lupang hindi naman niya kasalukuyang inookupa.
Iyon nga lang, para sa katulad mo na balak bumili ng lupa ay hindi masyadong makakatulong ang tax declaration para masigurado na ang nagbebenta sa iyo ay siyang may-ari nito dahil hindi naman kailangang may-ari ang magbayad ng amelyar sa lupa.