EDITORYAL - Bantayan, pagdami ng dengue cases
MABABA na ang kaso ng COVID-19 at hindi na gaanong banta sa mamamayan. Ang iba, kampante na at marami nang nagsasaya lalo’t palapit na ang Pasko. May mga nagpaplano na ng Christmas party, family reunion at iba pang pagsasama-sama. Marami na rin ang hindi nagpi-face mask at kung magkuwentuhan ay dikit-dikit na. Mayroon na ring hindi naghuhugas ng kamay o kaya’y nag-aalkohol bilang proteksiyon. Sa madaling salita, wala nang takot.
Ang isang binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ay ang pagdami ng kaso ng dengue. Nakaaalarma ang pag-akyat ng bilang ng mga nagkaka-dengue at karamihan sa mga ito ay bata.
Sa huling report ng DOH noong Nobyembre 5, tumaas ng 91 percent ang dengue cases na mas mataas kaysa nakaraang taon sa parehong panahon. Umabot na sa 196,728 ang nagka-dengue ngayong taon kumpara sa 67,537 na kaso noong 2021. At ang nakapanlulumo, umabot na sa 642 ang namatay sa dengue ngayong taon kumpara sa 247 noong 2021.
Ayon sa DOH, pinakarami ang kaso sa Central Luzon na may 38,640 na sinundan ng Metro Manila, 22,666 at Calabarzon, 16,575. Sa Central Visayas, ang Bohol at Cebu ay may total na 98 kaso.
May kampanya nang ginagawa ang DOH upang makaiwas ang mamamayan sa dengue. Ipinaalala na mahalagang panatilihin ang paglilinis ng kapaligiran at loob ng bahay upang walang mabuhay na lamok.
Ang dengue virus ay galing sa lamok na Aeidis Aegypti. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa itim at puting guhit sa katawan nito. Sa araw lamang ito nangangagat. Paboritong tirahan ng lamok ang mga basyo ng bote, goma o gulong na may istak na tubig, mga tabo o paso ng halaman. Nangingitlog din ang mga ito sa mga estero na hindi umaagos. Naninirahan din sa malalagong halaman. Ipinapayo na huwag magsasampay ng damit sa madilim na bahagi ng bahay.
Palatandaan ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng ulo at katawan. Ipinapayo ng mga doctor na kapag nakaranas ng ganitong sintomas, kumunsulta agad sa doctor para maagapan ang dengue.
Kung mahigpit ang pagpapatupad sa health protocol laban sa COVID, dapat ganito rin kahigpit sa dengue. Paigtingin ng DOH ang dengue campaign upang matiyak na walang mabibiktimang mamamayan. Maraming nakaligtas sa bangis ng COVID dahil sa pag-iingat at sana ganito rin ang pag-iingat na gawin sa dengue.
- Latest