EDITORYAL - Pagpapagaan sa mamumuhunan
May lalagdaang executive order ni President Ferdinand Marcos Jr. na magpapagaan umano sa mga dayuhang mamumuhunan sa bansa. Wala raw magiging balakid o hadlang sa pagnenegosyo ng mga foreign investors. Sa ilalim ng EO, maglalagay ng Green Lane para mapabilis ang proseso at requirements sa pag-iisyu ng permits at mga lisensiya. Hindi na paghihintayin ang mga magnenegosyo.
Ayon kay Marcos, batid niya na ang mga karaniwang nirereklamo ng mga nagnenegosyo ay ang sobrang tagal ng proseso. Kapag daw napabilis ang proseso sa pagkuha ng permits, makakasabay na ang Pilipinas sa iba pang bansa at makakahikayat na nang maraming dayuhang mamumuhunan.
Sana ay magkatotoo ito. Red tape ang karaniwang kalaban ng mga nagtatayo ng Negosyo sa bansa. Noon pa, ito na ang sakit. Pinatatagal ng mga tanggapan ang pag-iisyu ng permit at kung anu-ano pa. Pero sa totoo lang, humihingi sila ng “padulas” na pera. Kapag walang “padulas” o suhol, aamagin ang papeles o dokumento. Hindi ito gagalaw. Matagal nang praktis ang gawaing ito sa mga tanggapan ng pamahalaan. Marami nang naging presidente ng bansa na nangakong babasagin ang red tape pero nabigo sila.
Maski ang matapang na si dating President Rodrigo Duterte ay hindi nabasag ang red tape. Nag-isyu rin siya ng EO pero wala ring nangyari at lalo pang lumala ang red tape. At dahil dito, wala nang dayuhang investors na nagnais manatili sa bansa. Nagka-trauma dahil sa corruption.
Laganap ang katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan. Ayon sa resulta ng 2022 Corruption Perception Index na lumabas noong nakaraang Enero nasa ika-105th ang Pilipinas sa 196 na bansa kung ang korapsiyon ang pag-uusapan.
Noong 2020, ika-111th ang Pilipinas at noong 2021, nasa 102nd na puwesto. Nasa medium risk ng corruption umano ang Pilipinas.
Panibagong pakikipaglaban naman sa mga corrupt ang inihahanda. Dapat magkaroon nang seryosong pakikipagtunggali sa mga kawatan sa tanggapan ng pamahalaan. Hindi ubra ang malamyang pakikitungo. Kailangang mabulok sa bilangguan ang mga gumagawa ng katiwalian.
- Latest