ISANG maliit na templo sa Thailand ang pansamantalang isinara dahil nagpositibo sa drug test ang lahat ng monghe rito!
Nagsagawa ng raid ang mga pulis at health officials ng Phetchabun province sa isang maliit na Buddhist temple sa Bung Sam Phan district noong Nobyembre 28 dahil sa isang tip na natanggap nila.
Matapos sumailalim sa urine test ang tatlong monghe kasama ang kanilang abbot, nagpositibo ang lahat ng mga ito sa paggamit ng ilegal na droga.
Agad na-disrobe ang apat na monghe at na-expel sila sa Buddhist monkhood kaya walang naiwan sa templo para magbantay at magpatakbo nito.
Nag-alala ang mga residente ng Bung Sam Phan dahil naubos na ang mga monghe na namamahala ng mga religious functions sa kanilang komunidad. Bukod dito, nababahala sila na walang magbabantay sa templo kung saan may mga antigong imahen ni Buddha. Wala na ring mag-aalaga sa mga aso at pusa na nakatira roon.
Dahil sa mga concern na ito ng mga residente, ipinangako ng monastic chief ng Bung Sam Phan district na agad silang magtatalaga ng mga bagong monghe sa nasabing templo.