LIMANG taong gulang pa lang si Adesh ay ipinadala na siya sa monasteryo upang maging monk. Kaugalian na sa Nepal noong unang panahon na sanggol pa lamang ang panganay na anak na lalaki ay ipinapangako na sila ng kanyang mga magulang na maging monk.
Noong nasa pangangalaga na ng mga monk ang batang si Adesh, nagkaroon ng pangitain ang pinuno ng monastery, ang Venerable Abbot na mamamatay si Adesh sa edad na anim na taon. Sinabi nito ang eksaktong araw ng kamatayan. Ito ay dulot ng bad karma na nakamtan niya sa nauna niyang buhay. Ang Abbot, bukod sa pagiging banal ay isang mapagkakatiwalaang psychic na hindi pa pumapaltos kahit kailan. Kalabisang sabihin na ang mga pangitain niya ay 100 percent na magkakatotoo.
Pagkalipas ng isang taon, naisip ng mga monk na pauwiin muna sa kanyang pamilya si Adesh. Noon ay nalalapit na ang araw ng kamatayan ng bata. Nagkataon na bakasyon noon sa eskuwelahan kaya may dahilan ang pagpapauwi rito. Nais nilang kapiling ni Adesh ang kanyang pamilya kapag nalagutan ito ng hininga.
Nang matapos ang bakasyon at lumipas ang petsa ng kamatayan, nagulat ang mga monk nang dumating si Adesh, kasama ang mga magulang sa monasteryo na buhay na buhay. Lihim na kinausap ng Abbot ang mga magulang. Ipinagtapat nito ang kanyang naging pangitain.
“May extra ordinary bang kabutihan na ginawa si Adesh para mabura ang bad karma nito? tanong ng Abbot sa mga magulang.
Umiling ang mga magulang. Isang araw naabutan ng Abbot na may pinakakain si Adesh na tatlong pusang naligaw sa bakuran. Nagpaliwanag ang bata.
“Kawawa po sila. Noon pong nagbabakasyon ako sa aming bahay, pinakakain ko lagi ang aso ng aming mga kapitbahay. Kasi hindi raw sila pinakakain ng regular, sabi ng aking ama.”
Ngumiti at tumango lang ang Venerable Abbot. Ang kabutihan ni Adesh sa mga kawawang hayop ang nagbura ng kanyang bad karma. Si Adesh ay nabuhay pa nang mahabang panahon at naging pinuno rin ng monasteryong kinalakihan niya.