EDITORYAL - Iligtas ang mamamayan sa masasamang pulis
Salamat at nahatulan na si PO1 Jeffrey Perez—ang pulis na humuli, nang-torture at pumatay kay Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman noong 2017. At least nabawasan na ang mga pulis na katulad niya. Pero hindi pa nakatitiyak ang mamamayan sapagkat maaaring may sumunod pa sa yapak ni Perez. Ang pulis na kasama ni Perez nang isagawa ang krimen ay namatay habang nasa kulungan. Hindi na narinig ni PO1 Ricky Arquilita ang hatol ng Caloocan City Regional Court na habambuhay na pagkabilanggo.
Nakakatakot ang katulad ni Perez. Mapanganib para sa mamamayan.
Police officer 1 lamang si Perez pero maagang umakyat sa kanyang utak ang kakaibang klase ng pagpapahirap sa mga inaakusahang sangkot sa droga. Nang maglunsad ng giyera laban sa ilegal na droga ang Duterte administration noong 2017, kabilang si Perez sa mga “ulol” na aso na pinakawalan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng “Oplan Tokhang”. Binigyan ng lisensiya para mandakma ng mga “tulak” at addict sa droga. Huli rito, huli roon na walang patumangga. Kahit sino ang makita sa kalye sa kalaliman ng gabi, aarestuhin at ang pumalag, bang!
Ganito ang ginawa nina Perez at Arquilita kay Arnaiz at De Guzman. Hinuli at inakusahang drug pushers. Tinorture nila ang dalawang biktima at saka pinatay. Ang matindi, itinapon pa nila ang bangkay ni De Guzman sa Nueva Ecjia. Para maging makatotohanan, tinaniman ng droga si Arnaiz at nilagyan ng baril sa tabi ng bangkay nito.
Pero lumabas din ang katotohanan. Hindi nagtagumpay ang dalawang pulis. Makalipas ang limang taon, hinatulan si Perez ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagtorture at pagpatay kina Arnaiz at De Guzman. Pinagbabayad din siya ng tig-P1 milyon sa pamilya ng mga biktima.
Sabi kamakailan ni PNP chief General Rodolfo Azurin Jr., wala na raw mamamatay dahil sa giyera ng pamahalaan sa droga pero kailangan din naman daw protektahan ng pulis ang sarili. Sana nga wala nang mangyaring pag-torture at pagpatay sa mga inaakusahang drug pushers. Sana, wala nang pulis na gaya nina Perez at Arquilita na ang hangarin ay pumatay. Iligtas ang mamamayan sa mga pulis na “uhaw sa dugo”.
- Latest