Dear Attorney,
May expiry ba ang kontrata? Higit sampung taon na po kasi mula nang nagkapirmahan ng deed of sale ng lote pero hanggang ngayon, hindi pa nalalakad nang bumili ang pagpapatitulo sa lupa. Hindi rin nila inookupa ang lupang binili nila. —Jerry
Dear Jerry,
Kadalasan ay ginagamit lamang ang mga katagang “expired contract” para sa mga kontratang may nakatakdang panahon ang bisa, katulad ng contract of lease o employment. Masasabing may “expiry” ang mga kontratang katulad ng contract of lease at employment dahil paglipas ng takdang panahon at hindi ito ni-renew ng mga partido, masasabing “expired” na ang kontrata at wala na itong bisa.
Hindi ito karaniwang ginagamit sa mga kontratang ukol sa bentahan ng lupa, lalo na kung agaran ang pagbabayad at wala nang iba pang kondisyon sa paglipat ng pagmamay-ari ng property.
Dahil dito, ipagpapalagay ko na lang na ang tanong mo ay kung valid o may bisa pa ba ang naging bentahan kung hindi pa napapatituluhan o inookupa ng binili ang lupa sa kabila ng tagal ng panahon mula nang nagkapirmahan ng kontrata.
May bisa pa rin o valid pa rin ang naging bentahan basta’t sumunod naman ang mga partido sa kanilang mga napagkasunduan katulad ng presyo o ng iba pang mga kondisyon, kung mayroon man.
Dahil wala ka namang nabanggit na pagsuway sa mga probisyon ng deed of sale, mananatili ang mga epekto ng naging bentahan kabilang na ang paglipat ng pagmamay-ari ng lupa mula sa nagbenta papunta sa bumili.
Ibig sabihin, kahit pa iniwang nakatiwangwang ng bumili ang lupa, hindi nito maaapektuhan ang naging bentahan. Mananatili ang bisa nito kung nagkabayaran naman nang tama at sumunod ang lahat sa kanilang mga napagkasunduan.