EDITORYAL - Krimen dito, krimen doon
MAHIRAP paniwalaan ang sinasabi ng Philippine National Police (PNP) na lagi silang nasa kalye para maproteksiyunan ang mamamayan sa lahat nang uri ng krimen. Mahirap paniwalaan lalo’t wala namang nakikitang nagpapatrulya o nagrorondang mga pulis sa kalye. Sa kabuuan, hindi makita ang mga pulis sa kalye. Walang police visibility.
Kung totoong may mga pulis sa kalye na nagpapatrulya, bakit may mga nangyayaring ambush na isinasagawa ng riding-in-tandem at nagagawa pa nila sa gitna ng sikat ng araw. At ang matindi, isinasagawa pa ang pagtambang sa lugar na maraming taong nagdaraan o sa mga abalang lugar. Nagpapakita lamang ito na wala nang kinatatakutan ang mga criminal. Ang pagpatay sa kaliwanagan ng araw ay isang paghamon sa kakayahan ng PNP. Kayang-kaya nilang gumawa ng krimen at walang nagagawa ang PNP.
Sunud-sunod ang mga nangyayaring pagpatay mula pa nang pumasok ang “ber” months. Karamihan ay kagagawan ng hired killers. Noong Oktubre 3, tinambangan ang mamamahayag na si Percy Lapid sa Las Piñas habang pauwi galing sa trabaho.
Walang nakarespondeng pulis gayung malapit lang ang police community precinct sa lugar. Mabuti at sumuko ang gunman na si Joel Escorial kung hindi nangangapa pa marahil hanggang ngayon ang pulisya.
Noong nakaraang Martes, isang negosyante rin ang tinambangan at napatay ng riding-in-tandem sa kanto ng Mindanao at North Avenues sa Quezon City. Naganap ang pagpatay dakong alas dose ng tanghali. Mabilis na nakatakas ang mga suspect. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen ay maraming taong nagdaraan dahil nasa tapat ng isang mall. Marami ring nagdaraang sasakyan doon. Walang nakarespondeng pulis kahit malapit lang ang police station.
Maski sa probinsiya may mga nangyayaring pagtambang. Noong Biyeres, binaril at napatay ang konsehal ng Dolores, Quezon habang naglalakad bilang bahagi ng kanyang nakaugaliang exercise sa umaga. Ang napatay ay si Orlando Barsomo, 47. Mabilis na tumakas ang suspek at walang nakarespondeng pulis o barangay tanod man lang,
Ngayong papalapit ang Pasko, tiyak na magiging mabangis pa ang mga halang ang kaluluwa. Paigtingin sana ng PNP ang pagbabantay sa komunidad upang walang mabiktima. Sikaping makaresponde at nang hindi makatakas ang mga salarin.
- Latest