MAY malalim na hukay sa compound ng New Bilibid Prison (NBP). Katumbas ng siyam na palapag ng gusali ang lalim. Malapit ang hukay sa bahay ng suspindidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag. Ang hukay ay karugtong ng tunnel na pinaniniwalaang ginawa ng mga Hapones noong World War II para sa pagtakas.
Mismong si BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. ang nagbunyag sa ginagawang hukay. Sa mga lumabas na video at retrato sa pahayagan, makikita ang backhoe na ginamit sa paghuhukay. Makikita rin ang tunnel kaya halatang malalim na ang hukay. Ayon kay Catapang, posibleng ang hukay ay dahil sa sinasabing “gold hunting” sa lugar. Sa interbyu naman ng Teleradyo kay dating PNP chief at ngayon ay senador Ronald “Bato” de la Rosa, narinig na umano nito na may hinahanap na Yamashita treasures sa lugar. Hindi nito sinabi kung ang paghuhukay ay may kaugnayan sa paghahanap ng kayamanan.
Ipinahayag naman ni dating BuCor chief Bantag na siya ang nag-utos sa paghuhukay sa compound ng NBP. Gagawin umanong swimming pool ang hukay. Siya raw ay lisensiyadong scuba diver. Hindi raw lagusan ang hukay paloob o palabas ng bilangguan.
Mula nang maganap ang pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa na lalong kilala bilang Percy Lapid noong Oktubre 3, marami nang lumutang na kakaibang nangyayari sa NBP. Si Bantag at si Ricardo Zulueta ang mga tinuturong “utak” sa krimen at ganundin sa pagpatay sa “middleman” na si Jun Villamor. Si Villamor ay pinatay ng mga kapwa bilanggo, ilang oras makaraang sumuko ang killer ni Lapid na si Joel Escorial. Bago pinatay, nai-text ni Villamor sa kapatid na babae kung sino ang “utak” sa krimen. Noong Martes ay naisilbi na ang subpoena kay Bantag at Zulueta.
Marami pang nagsisingawan sa NBP na nasa ilalim ng BuCor. Halukayin pa ito. Unahin naman sana ang misyeryong pagkamatay ng 167 bilanggo na itinambak sa isang punerarya. Pagkatapos ay saka halukayin ang mahiwagang hukay. Maaaring magluwal pa nang maraming kalansay ang mga nalalantad na kababalaghang ito sa NBP.