MAHIGPIT ang Hong Kong noong 70s sa illegal immigrant. Para sa mga taga-Mainland China, isang biyaya ang makapagtrabaho sa Hong Kong, kaya kahit sa ilegal na paraan ay nagsisikap silang makapuslit dito. Taon 1971, may magkasintahang taga-Mainland ang nagplanong pumuslit sa Hong Kong. Sumakay sila sa tren. Pagsapit sa isang istasyon na malapit sa campus ng Chinese University, tumigil ang tren upang bigyan ng pagkakataon ang mga pulis na i-check kung may permit ang mga pasahero na makapasok sa Hong Kong. Palibhasa ay walang maipakikitang permit, may naisip ang lalaki at ibinulong niya iyon sa kanyang girlfriend.
“Tatalon ako sa bintana bago makalapit ang pulis. Tapos sumunod ka sa akin.”
Buong tapang na tumalon ang lalaki. Sumunod ang kanyang kasintahan pero sa malas ay sumabit ang buhok nitong nakatirintas sa bakal na nakausli sa bintana. Ang katawan ng babae ay parang ibinitin sa labas ng bintana ng tren. Nagkataon na umandar na ulit ang tren kaya bigla itong tumilapon sa tabi ng riles. Patay ang babae nang malaglag sa tren, pisak ang mata.
Gusto ng lalaki na balikan ang girlfriend pero hindi niya magawa dahil tiyak na mabigat ang ipaparusa sa kanya. Nagpalabuy-laboy siya ng ilang araw hanggang may naawang magbigay sa kanya ng trabaho bilang katulong sa isang grocery. Hindi na niya inalam kung ano ang nangyari sa girlfriend. Baka pa iyon maging hadlang sa kanyang papagandang kapalaran sa Hong Kong.
Ilang buwan ang lumipas, nagsimula ang mga kababalaghan sa kalyeng pinangyarihan ng aksidente. Isang gabi, napansin ng estudyanteng lalaki na may nakatayong babae sa gitna ng kalye. Nakatalikod ito kaya naging kapansin-pansin ang nakatirintas niyang buhok. Inakala ng lalaki na magpapasagasa ang babae kaya nilapitan niya ito para payuhan.
“Miss…”
Lumingon ang tinawag. Halos panawan ng ulirat ang lalaki dahil pisak ang mata ng babae at puno ng dugo ang mukha.
Umabot ng hindi mabilang ng lalaki ang pinagpakitaan ng babaing nakatirintas. Malapit sa unibersidad ang kalyeng kinamatayan ng babae kaya estudyante ang madalas na pagmultuhan. Lalaki ang pinipili niya dahil ayon sa mga psychic, patuloy pa rin siyang umaasa na babalikan siya ng kanyang nobyo. Ang kalyeng pinagmumultuhan niya ay tinawag na ring One-Braid Road.