NATUKLASAN kamakailan ng isang 95-anyos na lalaki na walong dekada na siyang nabubuhay na may nakabaong bala sa kanyang leeg!
Nahulog sa balcony ng kanyang bahay sa Shandong, China ang World War 2 veteran na si Zhao He. Dahil walang natamo na kahit anong injury, hindi niya muna ito ipinaalam sa kanyang mga kapamilya. Ngunit matapos ang ilang araw, nakadama siya ng pananakit sa kanyang leeg.
Agad siyang dinala ng mga anak sa ospital at doon nirekomenda ng doktor na sumailalim sa x-ray examination. Imbis na makakita ng fracture mula sa pagkakahulog, nagulat ang doktor na may bala sa kanyang leeg.
Ayon kay Zhao He, dalawang beses siyang nakipaglaban sa giyera noong kabataan niya. Una ay ang World War 2 at noong Korean War. Nagkaroon siya ng multiple injuries noon ngunit wala siyang maalala na natamaan siya ng bala sa leeg.
Isinailalim pa sa maraming pagsusuri ang matanda at base sa mga ito, napag-alaman na pumasok ang bala sa kanang bahagi ng ilong ni Zhao He. Dumaan ito sa kanyang upper jaw at dumiretso ito sa kanyang leeg. Dahil dito, natandaan ni Zhao He na noong 1944 World War 2, napaulanan siya ng bala habang tumatawid ng ilog at tinamaan siya sa leeg.
Ang unang plano ay sumailalim sa surgery si Zhao He para tanggalin ang bala ngunit nakita ng mga doktor sa x-ray na malapit ang bala sa isang major blood vessel na delikado kapag natamaan sa operasyon. Dahil tumigil na ang pananakit ng leeg ng matanda at hindi naman makasasama kung hindi na ito tanggalin, nagpasya ang pamilya at ang doktor na hayaan na lang ang bala sa leeg ni Zhao He.