ISANG lalaki sa U.K. na nangangambang mabibingi na ang nagulat sapagkat sa nakabarang earplugs ang sanhi ng kanyang pagkabingi!
Limang taon nang pinuproblema ni Wallace Lee ng Weymouth, Dorset ang mahinang pandinig. Isang royal navy veteran si Lee at ang una niyang hinala sa ng kanyang pagkabingi ay ang 24 na taon niyang pagtatrabaho malapit sa mga helicopter.
Sa kagustuhan niyang malaman ang sanhi nito, bumili siya online ng home endoscope kit para suriin ang kanyang taynga.
Sa tulong ng nasabing gadget, nag-alert ang mini camera nito na may na-detect na maliit na puting foreign object sa kanyang taynga.
Bigla niyang natandaan na limang taon ang nakaraan, bumili siya ng puting earplugs sa airport noong bibisita siya sa mga kamag-anak sa Australia. Binili niya ito dahil gusto niyang walang marinig na ingay at makatulog nang tuluy-tuloy sa kanyang biyahe.
Dahil mahigit 18-oras ang biyahe ng eroplano mula England patungong Australia, nakalimutan na ni Lee na tanggalin ang isa sa mga earplugs at iyon ang naging sanhi ng kanyang pagkabingi.
Dahil malalim na ang pagkabaon ng earplugs, hindi na ito sinubukang tanggalin ni Lee at nagpunta na siya sa isang ear, nose and throat surgeon.
Matagumpay naman itong natanggal ng doktor at muling bumalik sa dati ang kanyang pandinig.