EDITORYAL - Pabakunahan ang mga sanggol at bata

SABI ng Department of Health (DOH), 137,048 na mga sanggol at bata ang hindi pa immunized o wala pang bakuna laban sa polio at tigdas. Ang dalawang sakit na ito ang karaniwang dumadapo sa mga bata at kapag hindi naagapan ay maglalagay sa pe­ligro sa mga ito. Kapag walang bakuna sa polio­ posib­leng mapilay ang mga bata na tataglayin na nila habambuhay. Ang tigdas ay delikadong sakit na kung hindi maaagapan ay maglalagay sa mga panga­nib sa bata.

Nararapat magkaroon ng seryosong kampanya ang DOH at hikayatin ang mga magulang na dalhin sa health centers ang mga sanggol at bata para maba­kunahan. Sinabi naman ng DOH na inilunsad na noon pang Nobyembre 7 ang “Vax Baby Vax” at tatagal ito ng 10 araw. Matatapos ang “Vax Baby Vax” sa Nobyembre 18.

Ayon kay Dr. Gloria Balboa, DOH National Capital­ Region director, mahalagang ma-immunized ang mga bata at sanggol para meron silang proteksiyon. Hinihikayat nila ang mga magulang na dalhin sa malapit na health centers para  mabakunahan sa polio, measles, mumps, rubella, diptheria at Hepa-B. Ang pagpapabakuna sa mga bata at sanggol ay huwag ipagpaliban. Dapat maiprayoridad ang kalusugan ng mga bata at mailigtas sa pagkakasakit lalo sa polio at measles.

Noong Set. 19, 2019 nagkaroon muli ng polio epi­demic sa bansa. Unang pagkakataon sa loob ng 19 na taon na muling bumalik ang polio. Mabuti at nakon­trol agad ito.

Nagbabala naman ang DOH na posibleng magkaroon ng outbreak ng tigdas sa susunod na taon. Sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire­ na nakipag-ugnayan na sila sa World Health Organi­zation dahil sa pinangangambahang measles outbreak.

Huwag nang mag-atubili ang mga magulang pabakunahan ang mga bata para may proteksiyon. Huwag­ hayaang pahirapan sila ng sakit na tatag­layin habang buhay. Puwede silang mailigtas sa bakuna.

Show comments