EDITORYAL - Lutasin din, kaso ng pagpatay sa iba pang mamamahayag

NAGKAKAROON na ng linaw ang pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid. Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso sa mga itinuturong “utak” ng krimen at iba pang personalidad. Kasama sa mga kakasuhan ang suspended BuCor chief na si Gerald Bantag, deputy chief for security and operations Ricardo Zulueta at 10 inmates dahil sa pagpatay kay Lapid at “middleman” na si Jun Villamor. Si Villamor ang kumontak sa sumukong gunman na si Joel Escorial.

Kapag tuluyang nalutas ang kaso ni Lapid, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng agarang hustisya ang pagpaslang sa mamamahayag. Maraming napaslang na mamamahayag sa bansa at wala pang nalulutas. Mula pa 1986 nang maibalik ang demokrasya sa bansa, marami nang pinatay na mamamahayag at patuloy na humihingi ng hustisya ang mga kaanak. Ang iba, nabaon na sa limot.

Ang Pilipinas ay pampito sa mga bansang pinakamapanganib para sa mga mamamahayag. Ito ay ayon sa global watchdog na nagbabantay sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag. Ayon sa Committee to Protect Journalist (CPJ) Global Impunity Index 2022, naitala ang 13 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag ngayong taon na ito at ang pinaka-latest ay si Lapid.

Ayon pa sa CPJ, ang iba pang mga bansa na pinakamapanganib sa mga mamamahayag ay ang Somalia, Syria, Iraq, South Sudan, Afghanistan at Myanmar.

Ang pinakakarumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 kung saan 58 ang pinatay at saka sama-samang inilibing. Nakakulong na ang mga “utak” sa tinaguriang Maguindanao massacre subalit marami pa ang nakalalaya. Hindi pa lubusang nakakamit ng mga kaanak ng mga mamamahayag ang hustisya.

Lutasin din ang iba pang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag upang makamit ang hustisya. Tuparin ng kasalukuyang pamahalaan ang pinangakong puproteksiyunan ang mga mamamahayag.

 

Show comments