Inaantabayanan sa araw na ito ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid.
Kaabang-abang dahil nga mukhang yung sinasabi nilang ‘very high profile’ na personalidad o yung dalawang umano’y utak sa krimen eh sa wakas, malalantad na rin at kasama sa masasampahan ng kasong murder.
Mahigit sa sampu ang sinasabing makakasuhan kaugnay sa pagpaslang kay Lapid at isama pa rito ang may kinalaman sa pagkamatay ng umano’y middleman na si Jun Villamor sa loob ng Bilibid.
Sinu-sino kaya ito?
Maganda ring mabatid, kung ano naging partisipasyon ng bawat isa sa nasabing kaso.
Breakthrough na nga ba ito sa kaso, na naganap higit isang buwan na ang nakakaraan.
Gaano kalakas ang mga ebidensya na magtuturo sa mga ito? Tatayo nga ba ito kapag prinisinta na sa korte?
Yan ang mga magiging kaabang-abang sa development ng kaso sa araw na ito.
Pero sa huli, hindi pa rito natatapos ang laban.
Malayo pa marahil ang tatakbuhin ng kaso pero ang mahalaga nga rito eh nagsisimula na itong gumalaw sa pagsisimula ng laban sa balitaktakan na sa korte na dito mas mailalahad na ang lahat.
Antabay tayo sa mga susunod na kaganapan.