EDITORYAL - Basurang plastic namumutiktik
KAHAPON, maraming basura ang nakuha sa mga sementeryo sa buong bansa. Pinakamaraming basura ang nakuha sa mga sementeryo sa Metro Manila. Naulit ang tanawin bago magpandemya. Napahinga lang ng dalawang taon sa basura ang mga sementertyo at ngayon ay balik na naman sa dating tanawin. Nagpapakita lamang ito na wala pa ring disiplina sa pagtatapon ng basura ang nakararami. Kahit malinaw ang nakasaad na paalala sa mga gate ng sementeryo na huwag iiwanan ang basura sa mga bibisitahing puntod, hindi rin nasunod at naging basurahan na naman ang mga sementeryo.
Pawang plastic na basura ang nakolekta kahapon at ayon sa report aabutin pa ng ilang araw bago tuluyang mahakot ang mga basura. Nakadagdag sa basurang plastic ang mga face masks na itinapon din sa loob ng sementeryo. Hindi na nakapagtataka na tataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 dahil sa walang ingat na pagtatapon ng face masks. Balik sa dating nakaririmarim na tanawin ang mga sementeryo dahil sa iniwang basura.
Karaniwang mga single-use plastics ang basurang nakakalat sa mga sementeryo—sache ng 3-in-1 coffee, plastic cup ng noodles, plastic wrapper ng biskuwit at iba pang pagkain, shopping bags at mga plastic cover ng bulaklak. Nagmistulang malaking basurahan ang mga sementeryo. Kung kailan lilinisin ang gabundok na basura sa mga sementeryo ay walang makapagsabi.
Kapag ang mga basurang plastic sa sementeryo ay inabutan ng panibagong bagyo, at nagkaroon na naman ng pagbaha, tiyak na sa ilog at mga sapa aanurin ang mga ito at saka hahantong sa dagat. Maraming maapektuhan kasama na ang mga lamandagat.
Sinabi minsan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang problema ng Pilipinas ukol sa plastic pollution kung saan, ikatlo ang Pilipinas sa nag-aambag ng mga basurang plastic sa karagatan. Sinabi ni Marcos na tutulong ang Pilipinas sa paglilinis sa mga basurang nasa karagatan. Hindi umano tatalikuran ang responsiblidad sa basura sa karagatan.
Ipinanukala naman ng Department of Finance na buwisan ang single-use plastics para kumita ang pamahalaan. Malaki umano ang kikitain kapag ipinatupad ito. Wala pang linaw kung magkakaroon ng katuparan ang panukala.
Kikita ang pamahalaan sa pagbubuwis sa single-use plastics subalit walang malinaw na nakikita kung paano masosolusyunan ang plastic pollution. Tiyak na patuloy ang produksiyon ng plastic kahit pa taasan ng buwis. Dapat magkaroon din ng kampanya ang pamahalaaan kung paano maitatapon nang maayos ng mamamayan ang mga plastic upang maiwasan ang pagkasira ng kapaligiran. Ibawal ang pagtatapon sa kung saan-saan at ipatupad ang recycling ng basura.
- Latest