Biyenan

KAPAG inuubo si Trina, dalawang bagay lang ang ginagawa niya para tumigil ang kanyang ubo: Umiinom ng tabletas sa ubo at sumisipsip ng pastilles or cough drops. Kailangan niyang sumipsip nito para pantanggal sa kati ng lalamunan. Basta’t ito ay green candy na parang gummy bear ang texture at naka-packed sa maliit at bilog na tin can.

Big fan siya ng pastilles na ito. Ginagawa niyang pampabango ito ng hininga nang dalaga pa siya lalo na kapag may date sila ng kanyang boyfriend na naging asawa niya. Habang nagbibiyahe sila ng kanyang asawa patungo sa funeral home, bigla siyang inubo nang sunud-sunod kahit uminom na siya ng gamot. Saka niya naalaalang bumili ng pastilles. Naisip nilang dumaan sa drugstore pero wala na silang makitang bukas sa kalyeng kanilang dinadaanan.

Hinang-hina siya pagdating sa burol ng biyenan. Pakiramdam niya ay tatrangkasuhin siya. Pagkatapos makipagbatian sa mga kamag-anak ng kanyang asawa ay umupo siya sa isang sulok sa bandang hulihan ng chapel. Para hindi masyadong madinig ang kanyang “kahol” kapag “sumumpong” ito. Maya-maya ay unti-unting kumati ang kanyang lalamunan. Pigil na pigil ang kanyang ubo. Bakit ba kung kailan tahimik ang paligid at malaking kahihiyan kapag napaubo ka ay saka naman nagwawala ang mga bacteria sa kanyang lalamunan.

May nakapa siyang matigas sa kanyang bulsa. Hinugot niya…Lo and behold…isang tin can ng pastilles ang laman ng kanyang bulsa! Paano siya nagkaroon ng pastilles sa kanyang bulsa? Bigla niyang naalaala. Isang linggo ang nakalipas bago pumanaw ang kanyang biyenan ay naospital ito. Nang dinalaw nila ito sa ospital, unti-unti na siyang inuubo. Inutusan ng kanyang biyenan ang kasambahay na nagbabantay dito na bumili ng pastilles at ibigay sa kanya. Naibulsa niya iyon sa jacket at nakalimutan nang kainin dahil pansamantalang tumigil ang kanyang pag-ubo. Ang jacket din iyon ang naisuot niya papunta sa burol.

Noong bagong kasal sila ay sa kanyang biyenan muna sila tumira. Siya ang nagturo sa kanyang biyenan na sumipsip ng pastilles tuwing nangangati ang lalamunan. Pareho silang BIG fan ng pastilles na iyon. Maaalahaning biyenan ang ina ng kanyang asawa. Hanggang sa kahuli-hulihang pagkakataon ay naipadama nito ang pagmamalasakit sa kanya.

Napaiyak si Trina. Lalo niyang na-miss ang pinakamabait na biyenan sa balat ng lupa.          

Show comments