King Cobra na tumakas sa Sweden zoo, kusang bumalik sa kanyang kulungan!
PANANDALIANG isinara sa publiko ang Skansen Zoo sa Stockholm, Sweden matapos makatakas sa kanyang kulungan ang makamandag na king cobra na pinangalanan nilang “Sir Vas”.
Sa imbestigasyon ng mga zookeepers, nakatakas si Sir Vas sa pamamagitan ng pagdaan sa light fixture ng kanyang terrarium cage.
Ayon sa may-ari ng zoo na si Jonas Wahlstrom, tumakas ang king cobra palabas ng kulungan nito dahil nagsisimula nang lumamig ang temperatura sa siyudad ng Stockholm. Nabibilang ang king cobra sa mga tinatawag na cold blooded animals. Ang mga ganitong klaseng hayop ay hindi kayang manatili sa malalamig na lugar.
Sinigurado ni Wahlstrom na hindi nakalabas ng zoo si Sir Vas at nagtatago lamang ito sa mga mainit na bahagi ng zoo. Namataan ito ng mga staff sa backroom ng zoo pero sadyang mailap ito at hindi mahuli ng zookeepers.
Kahit sa backroom at hindi sa public area ng zoo nagtatago ang king cobra, minarapat na rin ng pamunuan ng Skansen Zoo na hindi muna buksan sa publiko ang zoo para sa kaligtasan ng mga guests.
Matapos ang isang linggo na pagtatago mula sa zookeepers, kusang bumalik si Sir Vas sa kanyang terrarium. Sa ngayon ay mas sinigurado ng mga taga-Skansen Zoo na hindi na ito makakatakas pang muli.
Bilang parangal sa isang linggo nitong pagtakas, pinalitan ang pangalan ni Sir Vas at tinatawag na siya ngayon bilang si “Houdini”.
- Latest