EDITORYAL - Naguho ang ­bundok dahil walang mga puno

GRABE ang landslides sa Mindanao, kung saan isang bundok ang naguho at tumabon sa mga bahay na nasa paanan nito. Naganap ang trahedya sa pananalasa ng Bagyong Paeng noong Biyernes. Sa huling report, mahigit 100 na ang namamatay at marami pa ang hinahanap. Pinakamarami ang namatay sa Maguindanao del Norte kung saan maraming bahay ang natabunan ng putik na umagos mula sa bundok.

Kung tutuusin, mas marami ang namatay sa landslides kaysa sa baha. Nagsimulang manalasa ang Bagyong Paeng noong Biyernes at unang tinamaan ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Pagkaraang hagupitin ang BARMM, tumawid ito sa Visayas Region, Bicol Region at ilang beses nag-landfall sa mga probinsiya sa Southern Tagalog Region bago tinahak ang West Philippine Sea.

Pinakagrabeng tinamaan sa BARMM ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur. Pinakamarami ang namatay sa Maguindanao del Norte na umabot ng 51. Maraming bahay ang natabunan ng lupa at bato makaraang maguho ang Mt. Minandar sa Brgy. Kusiong. Tinatayang 100 bahay ang nabaon sa putik. Umano’y dahil sa malakas at walang tigil na pag-ulan kaya naguho ang bundok.

Hindi lamang sa Maguindanao nagkaroon nang malawakang landslides kundi pati na rin sa Sitio Grahe, Brgy. Busay, Cebu City kung saan maraming bahay din ang natabunan ng lupa. Ganito rin ang nangyari sa ilang bayan sa Quezon, Laguna at Cavite na nagkaroon ng landslides. May mga kalsada na hindi madaanan ng sasakyan dahil sa naguhong lupa.

Kalbo na ang mga gubat. Naubos na ang mga kahoy dahil sa illegal logging at pagkakaingin. Wala nang kinakapitan ang lupa sa mga bundok kaya sa pag-ulan, guguho ito at aagos ang putik at mga bato at ililibing nang buhay ang mga naninirahan sa paanan ng bundok.

Bumabaha dahil sa illegal quarrying. Dahil sa pagkagahaman ng mga kompanyang nagku-quarry, nasisira at nawawasak ang mga ilog, bumababaw at wala nang kontrol kaya mabilis umapaw. Tatangayin ang mga bahay na nasa pampang.

Magpapatuloy ang ganitong trahedya kapag walang ginawang aksyon ang Department of Environment and Natural Resources at local government units. Magkaroon ng kampanya sa tree planting at bantayan ang kagubatan sa illegal loggers. Mahigpit ding ipagbawal ang quarrying na dahilan ng pagbaha at mabilis na pagkawasak ng mga ilog at sapa.

Show comments