Lahat ba ng inireklamo ay makatatanggap ng subpoena?
Dear Attorney,
Sinabihan po ako ng nakaaway ko noong isang taon na sinampahan na raw niya ako ng criminal case. Ngayon ay hindi ko po alam ang gagawin ko pero may nakapagsabi rin po sa akin na hintayin ko na lang daw ang subpoena. Lahat po ba ng may kasong criminal ay pinapadalhan ng subpoena?—Andy
Dear Andy,
Nakasaad sa Section 3 (a) ng Rule 112 sa ilalim ng Revised Rules on Criminal Procedure:
Within ten (10) days after the filing of the complaint, the investigating officer shall either dismiss it if he finds no ground to continue with the investigation, or issue a subpoena to the respondent attaching to it a copy of the complaint and its supporting affidavits and documents.
Ibig sabihin, ang pagpapadala ng subpoena sa respondent ng isang criminal na kaso ay nakabatay sa desisyon ng piskal kung ipagpapatuloy niya ang pag-iimbestiga sa kaso.
Kung sa tingin ng piskal ay may basehan ang reklamo mula sa complaint na isinumite ay saka lamang padadalhan ng subpoena ang respondent. Kung para naman sa kanya ay walang basehan ang complaint ay maaring doon na matapos ang imbestigasyon at maging sanhi ng pagkakabasura ng kaso.
Base sa nabanggit, hindi sa lahat ng sitwasyon ay nagpapadala ng subpoena. Kung mula sa complaint ay makikita na kaagad na walang kahit anong ebidensiya ang nagrereklamo ay hindi na kakailanganin pa ang pagpapadala ng subpoena dahil maari nang i-dismiss kaagad ng piskal ang kaso.
- Latest