Masamang sistema ng hustisya

NANG paslangin ng isang bayarang kriminal ang matapang na brodkaster na si Percival Mabasa, marami ang naniniwalang malabong malaman pa natin kung sino ang utak sa krimeng ito dahil sa masamang sistema ng ating hustisya. Ngunit nagkaroon tayo ng konting pag-asa nang sumuko si Joel Escorial na umaming siya ang bumaril kay Mabasa, matapos siyang kontakin at bayaran ng isang nagngangalang Jun Villamor na isang bilanggo sa New Bilibid Prison. Nasa kanya ang susi para malaman kung sino ang utak ng krimen. Pero ang konting pag-asa’y naglahong parang bula nang mapabalita na si Villamor ay namatay dahil diumano sa problema sa puso o sa bangungot.

Parang pelikula! Ngunit ang malungkot, ito’y totoong pangyayari at paulit-ulit na nangyayari dahil sa ating mabagal na sistema ng hustisya. Para sa iba, hindi lamang mabagal, kundi masama ang ating hustisya. At para sa mga naging biktima ng mabagal at masamang hustisya, walang matatawag na hustisya sa Pilipinas. Masisisi ba natin ang mga inosenteng nabulok na sa bilangguan na sabihing walang hustisya sa Pilipinas? Masisisi ba natin ang mga pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings na sabihing ang hustisya sa Pilipinas ay para lamang sa mayayaman at makapangyarihan?

Para maging mabilis at magaling ang hustisya, kailangang maging mahusay, epektibo at walang kinikilingan ang pulisya na tagapagpatupad ng batas; ang mga korte na tagaayos ng mga hidwaang legal at tagapagtanggol ng mamamayan laban sa abuso ng gobyerno; at ang mga bilangguan na ang tungkulin ay hindi lamang parusahan, kundi baguhin ang mga nagkasala. Paano magiging mabilis at magaling ang ating hustisya, gayong maraming pulis ang sangkot sa krimen, maraming hukom ang nababayaran, at ang mga bilangguan na katulad ng Bilibid ay pugad ng mga ilegal na gawain na katulad ng droga at sugal?

May isa pang mahalagang component ng mabilis at magaling na hustisya—ang pagkakaroon ng mulat na mamamayan na ipaglalaban ang hustisya sa lahat ng oras. Malaki rin itong problema dahil maraming nakasaksi ng mga krimen ang ayaw lumantad sapagkat takot madamay. Mahina ang proteksyong ibinibigay ng gobyerno sa mga saksi.   

Hindi kataka-taka na sa inilabas na World Justice Project Rule of Law Index noong nakaraang taon, ang Pilipinas ay ika-102 sa 139 bansa; at ika-13 sa 15 bansa sa Asia Pacific Region. Kasamang kulelat ng Pilipinas ang Myanmar at Cambodia. Malayung-malayo ang Pilipinas sa apat na bansang nangunguna sa mabilis at magaling na sistema ng hustisya, ang Denmark, Norway, Finland at Sweden. Kung sistema ng hustisya ang pag-uusapan, ang mga bansang ito’y langit. Kung sila’y langit, ano kaya tayo? May mga nagsasabi nga na ang justice dito sa Pilipinas ay nangangahulugan ng jus-tiis. Para sa marami, walang ibang pamimilian kundi ang magtiis.

Sa Bibliya, ang hustisya ay nangangahulugan na ibigin ang kapwa na gaya ng pag-ibig sa sarili, at ito’y nakaugat sa karakter at kalikasan ng Diyos bilang Diyos ng pag-ibig at hustisya. Ganito ang tagubilin ng Diyos sa Levitico 19:15, “Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. Huwag kayong magkakalat ng anumang nakasisira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya.”

Show comments