‘Wooden box’

NOONG una ay okey lang na hindi muna sila magkaanak. Pero nang sumapit ang ika-limang taon ng kanilang pagsasama at hindi pa rin nabubuntis si Cristy, nagpa-check up na silang dalawa sa doktor. Noon nila nalaman na may problema sa reproductive system si Cristy ngunit puwede pa itong magamot. Iyon nga lang, gagastos sila nang malaki.

Habang nagpapagamot si Cristy ay unti-unti nang nasisimot ang kanilang savings. Hindi sapat ang sinusuweldo ni Henry bilang empleyado ng banko. Ang suweldo niya ay pumupunta lang sa pang-araw araw nilang pangangailangan kaya’t ang savings nila ang nagagamit sa pagpapagamot.

Isang araw, may dumating na mysterious package sa mag-asawa. Isa itong wooden box na naka-locked. Ang susi ay naka-taped sa ibabaw nito. May note na kasama ang wooden box: “Huwag mag-alala, wala itong bomba. Kapag binuksan ninyo ang box, dalawang bagay ang mangyayari: 1) Makatatanggap kayo ng P30 milyon; 2) Isang hindi ninyo kakilala ang mamamatay.

Tutal, ang mamamatay pala ay hindi nila kakilala, nagpasya ang mag-asawa na buksan  ang kahon. Limang araw matapos buksan ang kahon, tumama ng P30 milyon sa lottery ang mag-asawa. Ngunit ang katuwaan ay napalitan ng kalungkutan dahil pagkaraan ng isang buwan matapos na tumama sa jackpot, napatay si Henry ng mga holdaper na pumasok sa banko na pinaglilingkuran nito.

Palibhasa ay kumalat na tumama sila sa lotto, dalawang babae na diumano ay pinakasalan ni Henry ang nagpakilala kay Cristy at naghahabol ng mana. Halos mabaliw si Cristy sa mga natuklasang lihim ni Henry.

Minsan, isang lalaki ang pumunta sa kanilang bahay at binabawi nito ang wooden box. Ibibigay daw niya iyon sa ibang tao na nangangailangan. Hindi nakatiis na magtanong ni Cristy: Binuksan namin ang box dahil ang sabi, isang taong hindi namin kakilala ang mamamatay, bakit asawa ko ang namatay?

“Misis, gaano ka kasigurado na kilala mo ng 100 percent ang iyong asawa? Di ba’t hindi mo alam na tatlo pala kayong pinakasalan niya?”       

Show comments