‘‘TUTULONG din lang tayo sa mga mahihirap sa barangay e di lubus-lubusin na natin. Magpapaaral din lang tayo e bakit hindi na school ang ipatayo natin. Lahat ng mga bata sa barangay na ito ay makapag-aaral nang libre, di ba Ginger?’’ sabi ni Anton at inilahad ang mga plano para sa ipatatayong school building.
‘‘Tama ka Anton. Dapat nga may school dito para hindi maging kawawa ang mga bata. Nabasa ko na marami raw bata ngayon na edad walo ay hindi pa marunong bumasa at sumulat. Mahinang mag-isip. Kasi’y dahil sa hirap ng buhay, marami ang pumapasok na walang laman ang tiyan. Walang almusal o gatas man lang.
‘‘Kaya ang naisip ko, Anton, pakakainin natin ang mga bata bago mag-umpisa ang klase. Sa canteen muna sila papasok para kumain ng masustansiyang almusal. Sa paraang yan, tiyak na tatalino sila. Hindi na sila mahihirapang umintindi. Ano sa palagay mo, Anton?’’
‘‘Great! Ang ganda ng naisip mo, Ginger.’’
‘‘Wala naman tayong problema sa pinansiyal kaya todo-todo sa pagtulong.’’
ISANG buwan ang nakalipas at nakatayo na ang school building. Hangang-hanga si Ginger sa bilis ng konstruksiyon.
(Itutuloy)