Pancit

PAGRARASYON ng pancit araw-araw sa canteen ng tatlong school ang ikinabubuhay ng mag-asawang Lolit at Randy. Isang tipikal na eksena iyon tuwing umaga sa bahay ng mag-asawa—si Lolit ang naghihiwa ng gulay na isasahog sa pancit. Kapag naihanda na ni Lolit ang lahat ng ingredients, tatawagin niya si Randy upang siya ang magluto ng pancit.

Sikat ang kanilang pancit dahil ito ang painakamasarap na pancit sa bayan ng San Antonio. Pinapainit pa lamang ni Randy ang kawali nang makaramdam ito ng pagkahilo. Nagkataong may ginagawa ang anak nilang si Leslie sa tapat ng lababo kaya kitang-kita niya nang bumagsak ang ama sa sahig.

Sa tulong ng mga kapitbahay ay agad na naisugod si Randy sa ospital. Walang malay ito nang dumating sa ospital. Inatake sa puso si Randy. Kasalukuyang kinakausap ng doktor ang mag-ina nang biglang naalaala ni Lolit ang naiwang kawali sa bahay na nakasalang sa kalan. Tumakbo ito pauwi sa kanilang bahay na mga limang bahay lang ang layo mula sa ospital.

Salamat na lang at may nagpatay ng apoy sa kalan. Naisip niyang ituloy na niya ang pagluluto ng pancit dahil kailangang may mairasyon silang pancit. Dali-dali ang kanyang ginawang pagluluto upang makabalik agad siya sa ospital. Nailagay na niya sa tatlong bilao ang pancit at ipinatong sa dining table. Aalis na siya nang biglang bumungad sa pinto si Randy. Namumutla ito.

“Pinauwi ka na ng doktor? Bakit ikaw lang? Nasaan si Leslie? Lintek na… pinabayaan kang umuwing mag-isa!”

Umupo si Randy sa tapat ng dining table. Hindi pinapansin ang asawa. Muli itong tumayo at walang sabi-sabi na itinapon ang tatlong bilaong pancit sa sahig.

“Diyos ko! Anong nangyayari sa iyo? Bakit mo itinapon? Anong irarasyon natin sa canteen?” Lalong napahagulgol si Lolit nang makita niyang nilapitan ng kanilang aso ang pancit at buong kahayukang kinain ito. Pumikit si Lolit habang umiiyak. Tatlong libo rin ang puhunan niya sa pancit na iyon. Pagmulat ng mata ay wala na si Randy at nangingisay na ang alagang aso.

Dumating si Leslie upang humingi ng perang pambili ng gamot para sa ama na awa ng Diyos, bagama’t walang malay ay stable na ang kondisyon. Saka lang naging malinaw ang lahat ng pangyayari. Si Randy ay wala pa rin malay kaya imposible itong umuwi sa bahay. Kanina bago ito matumba ay naglilinis ng alahas si Leslie gamit ang silver cleaner. Naiwan niya ito sa lababo dahil nagkagulo na. Palibhasa ay wala sa sarili, nailagay ni Lolit ang silver cleaner, na inakalang tubig  sa nilulutong pancit. Nag-astral travel ang espiritu ni Randy. Ang espiritu nito ang gumawa ng paraan upang maitapon ang pancit na may lason at hindi na maisilbi sa daan-daang estudyante na delikadong maperwisyo.

Show comments