EDITORYAL - Mga pulis na ang ‘sideline’ ay mangidnap
NAKABABAHALA na ang ginagawa ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nasasangkot sa pangingidnap. Tila ginagawa na nilang “sideline” ang pangingidnap at hindi na binibigyang halaga ang kanilang sinumpaang tungkulin na maglilingkod at magprotekta sa mamamayan. Ang ginagawang ito ng ilang pulis ay lalong nagpapababa sa imahe ng PNP. Nakabaon na sila sa putik pero lalo pang inilulubog. Sa ginagawa ng mga “bugok’’ na pulis, nadadamay ang mga matitino sa hanay. Ginagawa ng hepe ng PNP ang lahat ng paraan para maiangat ang organisasyon pero hinahatak naman pababa ng mga scalawags. Kung hindi mapapatino o maaalis sa serbisyo ang mga “bugok” na pulis, maaaring makahawa sila at hindi maganda kung ganito ang mangyayari.
Noong nakaraang linggo, sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong kidnapping at illegal detention ang 11 pulis dahil sa pagkawala ng apat na drug suspects na unang na-report na mga sabungeros sa Cavite noong Abril 13, 2022. Ayon sa report, ang mga kinidnap ay sina Gio Mateos, Mico Mateos, Garry Matreo at Ronaldo Anonuevo.
Sa imbestigasyon, nakunan ng surveillance video ang pagkidnap ng mga pulis na miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa apat na drug suspects. Na-trace ang mga pulis dahil sa mga plaka ng ginamit nilang sasakyan. Nakita rin ang paghinto nila sa isang restaurant sa Tagaytay City. Positibong nakilala ang 11 pulis na kidnappers nang mag-alis ng face mask. Nakilala ang hepe ng mga pulis-kidnapers na si Col. Ryan Orapa, naka-assign sa NCRPO-drug enforcement unit.
Nang unang mapabalita na mga “sabungeros” ang kinidnap ng 11 NCRPO policemen, nagkaroon naman ng pag-asa ang pamilya ng 34 pang sabungeros na nawawala mula pa Disyembre 2021. May pagkakahawig ang pagkidnap sa apat na drug suspects sa ginawa ring pagkidnap sa 34 na “sabungeros”.
Kung nalutas ng NBI ang kidnapping sa Cavite, posibleng malutas din nila ang pagkawala ng 34 na “sabungeros” na hanggang ngayon ay patuloy na hinihintay ng mga kaanak. Sino ang makapagsasabi, baka may kinalaman din ang 11 pulis sa pagkawala ng mga “sabungeros”?
Nararapat na palalimin pa ang imbestigasyon sa 11 pulis na kidnappers. Maaaring hindi lamang ngayon sila nasangkot sa kidnapping at noon pa ginagawa. Ang pagreporma naman sa PNP ay nararapat isagawa ng kasalukuyang PNP chief. Panahon na para mabago ang imahe ng pambansang pulisya na hindi lang sa kidnapping nalilinya kundi pati na rin sa pagbebenta ng droga.
- Latest