NAPABILANG sa Guinness Book of World Records 2023 ang Brazilian na si Sidney de Carvalho Mesquita matapos niyang masungkit ang world record title na “Farthest Eyeball Pop (Male)”.
May kakayahan si Sydney na paluwain ang kanyang mga mata mula sa mga eyesockets nito sa sukat na 0.71 inches. Nakumpirma ang sukat nito sa tulong ng optometrist gamit ang device na “proptometer”.
Natuklasan ni Sydney ang talentong ito noong siya’y siyam na taong gulang. Simula pa pagkabata, mahilig na siyang magpatawa sa harap ng salamin. Nang sinubukan niyang magpatawa gamit ang iba’t ibang facial expression, nalaman niya na kaya niyang paluwain ang kanyang mga mata.
Nang ipakita niya ito sa kanyang mga magulang, natakot ang mga ito at nabahala na siya’y may kakaibang sakit. Naalis din naman ang pagkabahala ng mga ito nang bigyan ng doktor si Sydney ng clean bill of health.
Ang medical term para sa kakayahang ito ay “Globe Luxation”. Ayon sa ophthalmologist ni Sydney, isa itong rare condition na hindi nakaaapekto sa kalusugan at maituturing na kakaibang talento.