EDITORYAL - Mga batang namamalimos naglipana na naman sa kalye
NAGSAGAWA na ng paglilinis ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga batang namamalimos sa kalye noong nakaraang buwan, pero ngayon nagbalikan na naman ang mga ito. Pinatalikod lamang ang DSWD at balik uli sa pamamalimos. May mga sumasampa na naman sa mga dyipni. Hindi lamang mga bata kundi mayroon na ring matatanda na namamalimos.
Pagsampa ng mga bata sa dyipni, mag-aabot sa mga pasahero ng libaging sobre. Ang ibang bata, kakatukin ang mga bintana ng kotse at manghihingi ng limos. Ang iba, pupunasan ang salamin ng kotse at saka ilalahad ang mga kamay. Kung anu-ano pa ang ginagawa ng mga batang pulubi para makahingi ng limos sa mga motorista.
Karaniwang mga batang Badjao ang namamalimos sa kalye at naglalambitin sa dyipni. Lubhang delikado sapagkat maaari silang mahulog at masagasaan ng mga sasakyan. Kasalanan pa ng driver ng dyipni kapag nangyari ito. Ang driver pa ang makukulong at magdurusa.
Hindi lamang ang mga batang pulubi ang namumulaklak sa kalsada kundi pati na rin ang mga tinatawag na “batang hamog” na nambibiktima ng mga truck driver. Sa Road 10, Tondo, maraming batang hamog ang umaakyat sa mga truck at ninanakaw ang mga gamit at iba pang pakikinabangan. Kinukulimbat ang battery, tool box, at iba pang gamit. Walang kamalay-malay ang truck driver na nalimas na ang kanyang tools.
Inaasahang darami pa ang namamalimos habang papalapit ang Pasko. Nararapat na magsagawa pa ng puspusang paghuli ang DSWD sa mga batang pulubi at ganundin sa mga “batang hamog”. Gawing regular ang paghuli sa mga ito at ilagay sa pasilidad kung saan ay magiging maayos ang kanilang kalagayan. Puspusan ang gawing pag-monitor sa mga kalye na tambayan ng mga batang pulubi. Hulihin din ang mga babaing may kargang sanggol na ginagamit sa pamamalimos.
- Latest