NALILIMUTAN na ba ang P2 bilyon na paunang ibinayad ng Pilipinas sa Russia para sa 16 na M-i7 helicopters? Ang deal sa pagbili ng helicopters ay inaprubahan ni dating President Duterte. Puwede naman daw bawiin ito ng kasalukuyang pamahalaan ayon sa ilang eksperto. Dapat ipursigi ito sapagkat hindi biro ang P2 bilyon. Marami na itong mapapakain o kaya’y mapag-aaral na mga bata. Makakatulong din sa pagbangon mula sa pagkalugmok dulot ng pandemya.
Nagkamali si dating President Duerte sa pagpasok sa deal noong Enero 2022. Agad nag-down ng P2 bilyon ang Pilipinas na hindi muna inalam kung may mga problemang kahaharapin sa pagpasok sa deal. Idedeliber sana ang unang batch ng helicopters sa 2023.
Pero hindi na matutuloy ang deal sapagkat mismong si Duterte ang umatras sa pagbili ng mga helicopter. Ayon sa report, iniutos ng dating presidente na i-scrapped ang deal. Pinayuhan umano si Duterte ni dating Finance secretary Carlos Dominguez na posibleng maharap sa sanctions na ipapataw ng United States kapag itinuloy ang deal sa Russia.
Ayon kay Dominguez, kabilang sa sanctions na ipapataw ay ang pag-freeze ng mga bank accounts ng Pilipinas sa abroad at ang pagpigil sa remittances ng mga Pilipino mula sa U.S. patungong Pilipinas.
Ang pag-scrapped sa deal ay kinumpirma ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, ngayon ay pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Ayon kay Lorenzana, kinansela na nila ang chopper deal noong Hunyo 25, 2022, Isa si Lorenzana sa signatory ng kontrata.
Ang nakadidismayang sinabi ni Lorenzana ay hindi niya alam kung mababawi pa ng Pilipinas ang P2 bilyon sa Russia. Mukhang mahirap na raw mabawi dahil ang Pilipinas ang umatras sa deal. Mahaba-haba umanong negosasyon ang kakailanganin para mapapayag ang Russian government na ibalik ang pera.
Sikapin ng kasalukuyang pamahalaan na mabawi ang bilyones. Hindi biro ang halagang yun. Maraming mahihirap ang matutulungan lalo pa’t ngayon ay gulapay na sa kahirapan ang karamihan sa mga Pilipino dahil sa nararanasang inflation. Patuloy ang pagtaas ng petrolyo at patuloy na pagbaba ng peso laban sa dolyar. Gumawa ng paraan ang kasalukuyang pamahalaan ukol sa problemang ito. Pagsikapang bawiin ang paunang bayad sa mga helicopter.