ISANG 9-year old na batang lalaki sa U.S. ang naging world record holder dahil siya ang naitala bilang pinakabatang nabunutan ng wisdom tooth!
Noong Abril 2021, napansin ng dentista ni Ryan Scarpelli na magkapatong na tumutubo ang wisdom tooth at molar sa itaas na kanang bahagi ng bibig nito. Agad ipinaalam ng dentista sa magulang ni Ryan na kailangang bunutin ang wisdom tooth nito upang tumubo nang maayos ang molar.
Ang wisdom teeth ay ang huling permanent teeth na tumutubo sa tao. Kalimitan ay tumutubo ito sa edad na 17 hanggang 25. Kadalasan ay kailangang ipabunot ito sa dentista dahil bumabangga ito sa second molar tooth na nagiging sanhi ng pagsakit ng panga at pamamaga ng gums.
Masyado pang bata si Ryan para tubuan ng wisdom tooth, kaya nag-research online ang ina nito na si Shelly Scarpelli kung normal ba sa isang 9-years old ang magkaroon ng wisdom tooth. Sa kanyang pagsasaliksik sa internet nalaman niya na bihira ito mangyari pero normal at hindi dapat ito ikabahala kaya pinahintulutan na niya ang wisdom tooth extraction surgery ng anak.
Dahil sa nalaman niyang impormasyon na ang pinakabatang naitala ng Guinness sa titulong “Youngest person to have a wisdom tooth extracted” ay 9-years and 339 days old, nagsumite si Shelly ng application sa Guinness.
Sa edad na 9-years old and 327 days, si Ryan na ang pinakabagong record holder sa titulong ito.