EDITORYAL - Mandatory drug test sa mga artista
ISINUSULONG ngayon ng isang mambabatas ang mandatory drug test sa mga artista bago bigyan ng pelikula ang mga ito o palabas sa telebisyon. Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, ang mga artista ay nararapat na drug free dahil ang mga ito ay iniidolo ng publiko lalo ng mga kabataan. Dapat silang maging halimbawa kaya nararapat na malinis ang kanilang imahe. Ayon pa kay Barbers, dapat bantayan ng mga namumuno sa movie industry ang mga artista at paigtingin din ang kampanya sa droga sa pamamagitan ng paghikayat na sumailalim sa drug test ang mga ito.
Magandang hakbang ang mandatory drug test sa mga artista. Dapat namang magkusa na ang mga artista na magpa-drug test para mahikayat din ang iba pa. Kung ang lahat ay magkukusa, mawawala ang agam-agam ng publiko na ang kanilang hinahangaang artista ay addict sa bawal na droga.
Ang mandatory drug test ay biglang umusbong nang mahuli sa drug buy-bust operation ng Quezon City police si Dominic Roco at apat na iba pa noong Sabado sa Brgy. Holy Spirit. Si Dominic ay anak ng beteranong actor na si Bembol Roco. Kinasuhan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Dominic at mga kasama.
Noon pa man, marami nang artista ang nasangkot sa droga. May anak pa ng sikat na action star na nahulihan ng marijuana. May mga dating starlet na sangkot sa paggamit at pagbebenta ng droga. Marami nang artista ang sinira ng droga. Nalulong sila at hindi na nagningning ang kanilang bituin. Huli na para magsisi sapagkat nawasak na ang kinabukasan. Napapanahon ang pagsusulong na mandatory drug test sa mga artista. Umpisahan na ito ngayon para na rin maibangon ang imahe ng industriya na nakulapulan ng mga miyembro na nasangkot sa illegal drugs.
- Latest