Kahapon nagsimula ang taas-singil sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan sa bansa.
Pero, eto at hindi pa nga ito nagawa ng malaking porsiyento ng mga PUVs dahil nga lamang sa wala pa silang fare matrix na kailangan nilang ipaskil sa kanilang mga sasakyan.
Paalala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), walang taas-singil hangga’t walang fare matrix.
Ang masusumpungang lumalabag ang may nakalaang malaking multa, hanggang sa pagkakansela sa kanilang prangkisa.
Huwag naman sana itong pagsimulan ng iringan sa pagitan ng mga driver at kanilang pasahero.
Kasi nga, may ulat na sa kabila na wala pang fare matrix at kahit nga noon na hindi pa ipinatutupad ang taas-pasahe, marami na ang naniningil ng mataas, hindi makapaghintay.
Hanggang sa sinusulat ang kolum na ito, nasa 10 porsiyento pa lamang sa 260K na PUVs sa bansa ang nakakuha na ng fare matrix.
Ibig sabihin, mas marami pa ang wala nito kaya hindi pa sila pwedeng magtaas ng singil.
Ayon sa maraming operators, nahihirapan sila sa pagkuha nito ng fare matrix dahil umano sa maraming rekisitos o requirement na kinukuha sa kanila bukod, pa nga ang gastusin bago makakuha nito.
Nasa P5,200 ang kailangang bayaran sa bawat prangkisa, na P50 sa bawat print fare matrix sa bawat units.
Katwiran naman dito ng LTFRB, kailangan nilang ma-verify na mabuti ang prangkisa para na rin sa kapakanan ng mga magiging pasahero.
Pero sana ay magsalubong na lang ang magkabilang panig. Kung pwede nga ay matulungan at wag na ring masyadong pahirapan ang nasa sektor ng transportasyon na ngayon pa lamang halos nagsisimulang muling makabangon dulot ng pandemya.