Asteroid: Kalamidad mula sa kalawakan

ISA sa maituturing na kalamidad na maaaring gumunaw sa ating planeta ang mga malalaking  asteroid at comets mula sa kalawakan. Hindi ito tulad ng tinatawag nating bulalakaw na nasusunog at natutunaw pagpasok pa lang nila sa atmospera ng daigdig. Matagal nang pinag-aaralan ng mga scientist at ibang mga dalubhasa kung paano maipagtanggol ang daigdig at ang sangkatauhan laban sa delubyong  maihahatid dito ng mga  asteroid at comet na maaaring mapagawi, lumapit at sumalpok sa mundo. Asteroid din ang sinasabing pumuksa sa mga dinosaur at ibang species  na gumagala sa mundo may 65 milyong taon na ang nakalilipas.

Sa kasalukuyan, inoobserbahan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng mga makabagong telescope ang naging epekto sa isang maliit na asteroid na sinalpok nitong nagdaang linggo ng spacecraft na DART (Double Asteroid Redirection Test) ng NASA (National Aeronautics and Space Administration ng United States). Tinatawag na Dimorphos ang naturang maliit na asteroid na umoorbit sa mas malaking asteroid na pinangalanang Didymos.

Sinasabing ito ang unang teknolohiyang sinusubukang gamitin para ilihis ang direksyon ng  isang asteroid na maaaring tumarget sa daigdig. Sabi nga ng isang opisyal ng NASA, isa itong dating science fiction na naging isa nang science fact. Dati kasi, sa mga pelikula lang nangyayari na maaaring magalaw ng tao ang isang bagay na lumilipad sa kalawakan. At sa pagsalpok at  pagsabog ng DART spacecraft sa Dimorphos, inaabangan ng mga kinauukulan kung gumalaw ito o lumihis o nagbago ng bilis at direksyon. May 11 milyong kilometro ang layo sa daigdig ng naturang asteroid nang maganap ang salpukan.

Napaulat na aabutin ng ilang araw o linggo bago makumpirma ng mga  observatories sa buong mundo kung nailihis talaga ng DART ang galaw at direksyon ng Dimorphos.  Kung makukumpirma, ito ang magiging unang ebidensiya sa kasaysayan na maaaring magalaw ng tao ang isang bagay na  sa kalawakan na magdudulot ng ng banta sa  daigdig tulad ng mga asteroid. Nabatid na isa pang spacecraft ang papupuntahin sa kinaroroonan ng Dimorphos para malinawan ang naging epekto rito ng pagsalpok ng DART. Kinetic impact ang tawag sa teknolohiyang ito na naglalayong mailihis ang direksiyon at galaw ng isang asteroid na matutuklasang patungo at papalapit sa daigdig. Napatunayan din na maaaring makapagpalipad at makapagpasabog ng spacecraft papunta sa mga asteroid na ito. Hindi naman banta sa daigdig ang Dimorphos o ang Didymos pero dito ipinasya ng NASA na subukan ang DART na naunang inilunsad noong Nobyembre 2021 at sinadyang sumapok sa asteroid noong Setyembre 26, 2022. Nakaambag sa proyektong ito ang European Space Agency, Italian Space Agency at Japan Aerospace Exploration Agency.

Pero, kahit naman hindi nagbago ang galaw ng Dimorphos, magiging aral naman ito para sa ibayo pang pagpapaunlad ng kinakailangang teknolohiya para makapagpalihis ng nagbabantang mga asteroid at comet kung ito ang kailangang solusyon.

• • • • • •

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments