NAKU, eto at mukhang may bagong pagkakalituhan na naman sa panig ng mga motorista at ng mga traffic enforcers ng mga local government units.
May ipinalabas kasing memo ang Department of Interior and Local Government (DILG ) kamakailan na nagsasabing walang karapatan ang mga traffic enforcers ng LGUs na mangumpiska ng mga lisensya ng mga motoristang mahuhuling lumabag sa batas-trapiko.
Ibig sabihin, pinatitigil sila sa panungumpiska ng lisensya at tanging pagtitiket lamang ang maaari.
Alinsunod ito sa probisyon ng DILG-DOTC Joint Memorandum Circular (JMC) No. 01, series 2008, section 3.4.
Ang LTO lamang at mga deputized agents nito ang maaaring kumumpiska ng mga lisensya ng mga hinuhuling motorista.
Una nang pumalag dito at mukhang patuloy na mangungumpiska ng lisensya sa mga lumalabag na motorista ang mga enforcers sa Maynila.
Ayon sa pamahalaang lungsod, may awtoridad sila na mangumpiska ng mga driver’s license alinsunod umano sa kapangyarihan na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan ng Local Government Code.
Mukhang merong problema, paano na kung magkasitahan sa kalsada at malamang na maging mitsa pa ito ng matinding pagtatalo sa pagitan ng LGUs enforcer at motorista, paano na?
Wala pang komento dito ang ilang LGUs partikular sa Metro Manila, pero ang Quezon City tatalima umano sa memo ng DILG sa kabila na meron din silang ordinansa ukol dito.
Paano na ang iba pang LGUs na meron ding mga panuntunan o ordinansa na ipinatutupad sa kanilang lugar?
Dapat siguro maaga palang eh mag-usap na ang DILG at LGUs ukol dito, para malinawan kaysa naman sa lansangan pa magkaroon ng komprontahan.
Ang publiko o motorista ang malilito dito.