Maliit na bakery sa Chile na idinemanda ng DC comics dahil sa pangalan nitong ‘Super Pan’, nanalo sa kaso!
MATAPOS ang tatlong taon na pakikipaglaban sa korte, nanalo ang bakery na “Super Pan” laban sa entertainment giant na DC comics sa kasong copyright infringement!
Simula pa pagkabata ay nagtitinda na ng tinapay ang 41-anyos na si Gonzalo Montenegro sa Santiago, Chile. Dahil madalas niyang suot sa paglalako ng tinapay ang t-shirt na may logo ng superhero na si Superman, tinawag na siya sa kanilang lugar bilang si Super pan. Nang siya’y nakapag-ipon at nakapagtayo ng sarili niyang bakery, naisip niya na ito ang ipangalan sa kanyang business.
Naging matagumpay ang Super Pan at sa loob ng 28 taon ay maayos niyang napapatakbo ang kanyang negosyo ng walang problema kaya laking gulat niya nang idinemanda siya ng global corporation na DC comics noong 2020 dahil sa copyright infringement.
Ayon sa mga abogado ng DC comics, idinemanda nila ang Super Pan dahil maaaring gumawa ito ng kalituhan sa mga mamimili na bahagi ito ng korporasyon na DC comics. Maaaring magbigay din daw ito ng hindi magandang imahe sa Superman brand.
Sa loob ng tatlong taon, nakipaglaban sa korte si Gonzalo at nito lamang buwan ng Agosto, naglabas ng verdict ang National Institute of Industrial Property na walang nilalabag na kahit anong intellectual property ang bakery na Super Pan at may karapatan sila na gamitin ang pangalang ito sa kanilang business.
Sa panayam kay Gonzalo, kahit nagbigay ng sakit ng ulo sa kanya ang demanda, kahit papaano ay nakatulong naman ito sa publicity ng kanyang bakery. Simula kasi ng nabalita sa buong Chile ang lawsuit, maraming dumadayo sa Super Pan para bumili ng tinapay.
- Latest