NAKARARANAS nang malaking problema ang mga magsasaka dahil sa pabagu-bago ng klima na hindi talaga tama sa panahon. Umiinit sa panahon ng tag-ulan at bumabagyo sa panahon ng tag-init. Pati mga halaman, nalilito na rin kung panahon na nilang mamumulaklak o mamumunga dahil sa mga nangyayari. Kawawa naman!
Malaking parusa na ang dinaranas ng sangkatauhan dahil sa patuloy na pag-init ng temperatura sa buong mundo. Nagreresulta ito sa pagkatuyo ng mga ilog at pagkasunog ng mga kagubatan. Bagama’t may nagsasabing nagbago raw kasi ang posisyon (axis) ng mundo at exposure nito sa ibang planeta kaya nabago rin ang klima at ihip ng hangin.
Nakagisnan na natin na tuwing tag-bagyo, Bicol Region ang tinatamaan at naglalagos ito sa Batanes. Kapansin-pansin na mas madalas ngayon na nagsisimula sa Mindanao o Central Visayas ang bagyo at lumalagos sa Cagayan Valley o Isabela. Ganun din siguro ang nangyayari sa ibang bansa. May mas masamang indikasyon kaya ito?
Mapalad pa rin tayo bagama’t naghihirap ay hindi umaabot sa sukdulan ng pagkagutom. Mayaman ang karagatan natin at marami tayong mapagkukunan ng kakainin. Hindi lang talaga natin kayang sikmurain ang kawalanghiyaan ng mga hudas sa gobyerno natin. Marami n’yan sa kongreso at senado di ba, Tekla?
Hindi malinawan ng Bible scholars kung saan talaga ipinanganak si Hudas Iscariote. Ang tanging binabakas lamang nila ay ang tunog ng kanyang pangalan na maaring sa Judea sa Israel ito nagmula. Pero kung ipapa-DNA natin ang karamihan nating pulitiko, baka positibo na mas marami siyang kamag-anak sa Pilipinas. Tandaan natin na matalino rin si Hudas at miyembro ng Gabinete, este, apostoles pala, yahooo!