MARAMING lugar sa Metro Manila ang binabaha. Nangunguna rito ang Maynila, Quezon City, Malabon, Valenzuela, Marikina, Makati at Pasay.
Sa Maynila, sa panahon ng tag-ulan, lubog sa baha ang Sampaloc area kabilang ang España Blvd., Governor Forbes, Blumentritt at Maceda Sts. Baha rin sa Taft at Quirino Avenues at sa bahagi ng Intramuros at Rizal Avenue. Kapag bumaha sa mga lugar na nabanggit, hindi na makakaraan ang mga maliliit na sasakyan. Mapipilitang maglakad sa baha ang mga tao.
Baha rin sa Mother Ignacia, Roxas District, Quezon at Araneta Avenues, sa Quezon City. Hindi madaanan ang Araneta Avenue dahil sa malakas na agos na nagmumula sa umapaw na creek.
Marami ring kalye ang bumabaha sa Makati at Pasay Cities. Hindi madaanan ang Buendia Avenue, Pasay Road at Pasong Tamo Extension. Ang Harrison at Libertad St. sa Pasay City ay umaapaw din sa baha kahit sandali lang ang pag-ulan.
Maraming lugar sa Metro Manila ang binabaha at sa ganitong sitwasyon, ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang binabatikos. Nasaan na ang flood control project na pinondohan nang malaki?
Ayon sa Commission on Audit (COA), may 22 projects ang MMDA na hindi pa natatapos at may 39 pang hindi kumpleto at nagtapos na ang kontrata noong nakaraang taon. Ayon pa sa COA, ang DPWH at MMDA ay may naka-allocate na mahigit P125 billion para sa flood control ngayong taon.
Sabi naman ng MMDA, ang sinasabi ng COA na naatrasadong flood control projects ay nakumpleto na umano ngayong taon. Ang iba pang sinasabing hindi natapos ay dahil sa delayed procurement process dahil sa COVID-19 pandemic at mga na-pending na pag-iisyu ng clearances.
Sabi naman ng DPWH, nakumpleto na umano nila ang flood control project sa Sampaloc, Manila. Nakapaglatag na umano ng concrete box culverts sa Josefina-Lepanto and Lepanto-Gov. Forbes Drainage Mains kaya mabilis nang humuhupa ang baha sa Sampaloc area.
Ang problemang pagbaha sa MM ay malaking pagsubok sa kakayahan ni MMDA chairman Engr. Carlo Dimayuga III. Ang MMDA ang nangangasiwa sa flood control projects at harinawang malutas na niya ang ilang dekada nang problema. Ipakita na kaya niya ang problemang baha na pasang-krus ng mga taga-Metro Manila.