Maari bang pilitin na mag-OT ang mga ­empleyado?

Dear Attorney,

Maari ba kaming pilitin ng aming employer na mag-overtime? Ayaw na po kasi naming mag-overtime dahil sobrang delayed naman ang bayad ng aming overtime pay. —Lhen

Dear Lhen,

Sa ilalim ng ating batas, hindi maaring pilitin ng employer ang kanyang mga empleyado na mag-overtime, puwera na lang kung ang trabaho na kailangang i-overtime ay pasok sa tinatawag na “emergency overtime work” na mababasa sa Article 89 ng ating Labor Code.

Maari lamang pilitin ng employer ang kanyang mga empleyado na mag-overtime kapag may mga emergency na katulad ng: (1) digmaan o national emergency; (2) lokal na kalamidad kung saan kailangan ang pag-o-overtime ng mga empleyado upang maisalba ang buhay ng mga tao, maiwasan  ang pinsala sa mga ari-arian, at upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko; (3) mga pagkakataon na kailangan ng agarang pagkukumpuni sa mga makinarya at iba pang mga kagamitan upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng employer; (4) mga pagkakataon na kailangan ang overtime upang maiwasan ang pagkasira ng mga perishable goods; at (5) mga pagkakataon na kailangang tapusin ang trabahong nasimulan na sa ika-walong oras ng trabaho upang maiwasan ang perwisyo sa negosyo o operations ng employer.

Sa madaling sabi, maari n’yong tanggihan ang utos sa inyong mag-overtime kung wala naman sa mga nabanggit ang dahilan ng pagpapa-overtime sa inyo.

Kailangan n’yo nga lang suriing mabuti ang dahilan ng utos sa inyong mag-overtime at siguraduhing hindi ito pasok sa mga nabanggit.

Kung nagkataon kasing hindi n’yo sinunod ang inyong employer kahit may sapat naman palang dahilan ang utos para kayo ay mag-overtime, kayo ay masasabing guilty ng insubordination o pagsuway sa employer kaya maari kayong patawan ng disciplinary action, kabilang na ang posibleng termination o pagkakatanggal sa trabaho.

Show comments