TALAMAK na talaga ang nangyayaring online child sexual exploitation na siya ngayon target na masawata ng mga awtoridad.
Nakakalungkot isipin na ang Pinas ang siyang paboritong lugar ngayon ng sindikato o abusers makaraang maitala ang mataas na kaso ng ganitong mga inisdente na lalong lumobo noong panahon ng pandemya.
Nag-utos ng matinding laban o giyera ang pamahalaan laban dito at nagbantang papanagutin ang mga taong sangkot o may kontribusyon sa ganitong mga ilegal na gawain.
Ayon nga sa ulat ng Department of Justice(DOJ), tumaas ng nasa 260 percent ang insidente ng child sexual abuse online na naganap partikular noong magpatupad ng mga lockdown dahil sa pandemya.
Nakakalungkot isipin na madalas pa nga na mismong ina o kaanak ng mga paslit ang nagagawang ibenta ang kanilang anak sa pamamagitan ng online sexual exploitation na kadalasang dahilan ay sa labis umano na kahirapan.
Base yan sa ginawang pag-aaral ng UK-based International Justice Mission (IJM).
Hindi umano maliit na halaga ang nakukuha sa ganitong ilegal na gawain, kundi malaki ang kinikita ng mga taong ginagamit ang mga paslit para pagkakitaan online.
Bukod din umano sa malaking kita, madali rin na makabukas ng site at sa pamamagitan ng teknolohiya, mas madaling naipapadala ng mga perpetrators ang inilalako nilang mga minors.
Base naman sa data na inilabas ng DILG buhat 2017 hanggang nitong buwan ng Hulyo, 2022 nasa 227 operations na ang isinagawa laban sa taong dawit sa online sexual abuse ng mga paslit. Sa bilang na ito nasa , 198 na ang naisampang kaso.
Umabot naman sa 67 katao ang na-convict na sa nabanggit na mga kaso habang 41 ang sumasaiulalim pa rin sa imbestigasyon.
Karamihan sa mga sangkot dito ay European, ayon pa sa ulat.
Sa opisyal na datos, naitala ang mga kaso ng ‘online sexual exploitation’ sa 47,937 noong 2020 mula sa 19,000 noong 2019 sa gitna ng restriksyon dulot ng pandemya.
Dapat na marahil na tuldukan ang ganitong mga paggamit sa mga paslit at patawan ng mas mabigay na parusa ang mga taong nasasangkot sa ganitong gawain.