EDITORYAL - Pagrondahin ang mga pulis
NAGING mapayapa ang pagbubukas ng klase noong nakaraang linggo kung saan tinatayang 28 milyong esudyante ang bumalik. Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. maraming pulis ang ipinakalat sa pagbubukas ng klase para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante. Ayon pa kay Azurin nakahanda ang pambansang pulisya na protektahan ang mga mag-aaral at ang mamamayan sa kabuuan.
Sa pagbubukas ng klase, hindi lamang ang mga estudyante ang nagbabalik kundi pati ang mga masasamang loob. Hindi lamang mga estudyante ang gigil na nagbalik-eskuwela kundi pati na rin ang mga holdaper, snatcher, mandurukot at pati mga kidnaper. Sa loob nang mahigit dalawang taon na pagkakatigil ng face-to-face classes dahil sa COVID-19 pandemic, tiyak na nag-uulol ang mga masasamang loob para makapambiktima ng estudyante at iba pa na inaakala nilang may mapapakinabang.
Sa university belt kadalasang nangyayari ang cell phone snatching at mga panghoholdap. Modus ngayon ng mga snatcher na gumamit ng motorsiklo para makapang-snatch hindi lamang cell phone kundi pati na rin handbag.
Masyadong marahas ang mga snatcher na nakamotorsiklo sapagkat ang mga inaagawan nila ng bag ay nakakaladkad hanggang sa magkasugat-sugat ang mga braso at mukha ng kawawang estudyante.
Ang pinakagrabe, kapag hindi binigay ng estudyante ang kanyang cell phone at iba pang mahalagang gamit, inuundayan ng saksak. Nangyayari ang ganitong krimen kahit sa kaliwanagan ng araw. At ang masaklap, walang pulis man lang na nagpapatrulya sa lugar. Walang tumutulong sa estudyante.
Laganap din ang panghoholdap sa mga gasolinahan, 24-hour store at maski ang mga karaniwang karinderya ay hindi pinatatawad ng mga kawatan. Nililimas ang kaha ng hinoldap na establisimento.
Ang regular na pagpapatrulya ng pulisya ay mahalaga ngayong balik-eskuwela. Kung may mga pulis sa kalye, mapipigilan ang mga kriminal na mambiktima. Pagrondahin ang mga pulis.
- Latest