EDITORYAL - May lamok sa classroom

NOONG Lunes nag-umpisa ang School Year 2022-2023. Nagbalik-eskuwela ang mahigit 28 milyong estudyante sa publiko at pribadong eskuwelahan sa buong bansa. Mahigit dalawang taon na nahinto ang face-to-face classes dahil sa COVID-19 pandemic.

Banta pa rin ang COVID subalit ayon sa OCTA Research Group, bagama’t may pagtaas ng kaso, hindi na ito nakababahala. Ipinaalala lamang ang pagsunod sa health protocols at nararapat na magpabakuna at magpa-booster shots.

Ang dapat bantayan ngayon ng mga kinauukulan ay ang patuloy na pagtaas ng dengue cases sa bansa. Ayon sa Department of Health (DOH), tumaas ito ng 100 percent. Mula Hulyo 3 hangang 30, naitala ang 23,414 kaso sa buong bansa. Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, sa naitalang kaso, 18,208 ang naospital at 365 umano ang namatay.

Ayon pa kay Vergeire, pinakamataas ang kaso sa Central Luzon na nakapagtala ng 5,838 kaso. Sinundan ng National Capital Region, 2,689 at Calabarzon, 2,369.

Ang dengue virus ay galing sa lamok na Aeidis ­Aegypti. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa itim at puting guhit sa katawan nito. Sa araw lamang ito nangangagat. Paboritong tirahan ng lamok ang mga basyo ng bote, goma o gulong na may istak na tubig, mga tabo o paso ng halaman. Nangingitlog din ang mga ito sa mga estero na hindi umaagos. Naninirahan din sa malalagong halaman. Ipinapayo na huwag magsasampay ng damit sa madilim na bahagi ng bahay.

Palatandaan ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng ulo at katawan. Ipinapayo ng mga doctor na kapag nakaranas ng ganitong sintomas, kumunsulta agad sa doctor para maagapan ang dengue.

Ngayong nasa school na ang mga bata, ang kaligtasan nila sa dengue ang nararapat tiyakin. Siguruhing nalipol na ang mga lamok sa paligid at sa loob ng classroom. Kung mahigpit ang pagpapatupad sa health protocol laban sa COVID, dapat ganito rin kahigpit sa dengue. Kung maaari, pagsuotin ng mahabang manggas at jogging pants ang mga bata para makaiwas sa kagat ng lamok habang nasa classroom. Paigtingin ng DOH ang dengue campaign para lubusang makaiwas ang mamamayan. Tulad ng COVID, delikado ang dengue.

Show comments