NAGULAT ang mga pulis na rumesponde sa isang 911 call mula sa isang zoo sa California nang malaman nila na ang tumawag sa emergency hotline ay isang capuchin monkey!
Ayon sa Facebook post ng San Luis Obispo County Sheriff’s Office, nakatanggap ang 911 dispatchers ng tawag mula sa isang zoo. Mabilis na-disconnect ang tawag at hindi na sumagot nang sinubukan nila itong tawagan pabalik.
Rumesponde sila sa source ng tawag, ang wildlife sanctuary na Zoo to You sa Paso Robles, California. Pagdating nila sa lugar, wala ni isa sa mga nagtatrabaho roon ang nagsabing tumawag sila sa 911.
Nagtulong ang mga awtoridad at staff ng zoo upang imbestigahan kung saan nanggaling ang 911 call at natuklasan nila na ang capuchin monkey na si Route ang may kagagawan ng pagtawag.
Sa imbestigasyon ng sheriff’s office, nakuha ni Route ang cell phone ng isang staff na naiwan sa golf cart at napindot nito ang emergency call function.
Ayon sa mga tagapag-alaga ng mga capuchin monkey sa zoo, curious at mausisa ang mga unggoy na ito at mahilig silang magpipindot kapag may buton ang mga bagay na kanilang nahahawakan.