EDITORYAL - Tuntunin mga ‘dupang’ na nagtatago ng asukal
PAIGTINGIN pa ng Bureau of Customs (BOC) ang paghahanap sa mga nagho-hoard ng asukal sa buong bansa. Dalawang bodega pa lamang ang kanilang nasasalakay at katiting lamang ang mga ito kung tutuusin. Sikapin ng BOC na mahanap ang mga bodega para mapigilan ang masamang balak ng mga negosyante na kumamal ng pera mula sa itinagong asukal. Hindi dapat hayaan ang mga mapagsamantalang negosyante na ang gusto ay sila lamang ang mabuhay.
Sinalakay ng mga tauhan ng BOC ang isang bodega sa San Fernando, Pampanga noong Biyernes at natagpuan ang 42,733 sako ng imported na asukal mula Thailand. Bukod sa mga asukal sa bodega, natagpuan din ang maraming sako ng asukal na nakakarga sa mga delivery vans. Ang bodega ay pag-aari ni Victor Teng Chua. Nang hanapan ng permit si Chua mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA), wala siyang maipakita. Ang nasamsam na asukal ay nagkakahalaga ng P215 milyon.
Sinalakay din ang isang bodega sa Kaypian Road, San Jose del Monte, Bulacan at natagpuan ang 30,000 sako ng imported na asukal. Isa pang bodega ang sinalakay ng BOC sa Bulacan subalit hindi ibinigay ang detalye.
Ang pagsalakay sa mga bodega ng asukal ay ipinag-utos umano ni President Marcos Jr. makaraan ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga opisyal ng SRA na pag-import ng 300,000 metric tons sa kabila na walang pahintulot ng presidente. Ni-reject ni Marcos ang importasyon. Nagbitiw naman sa puwesto ang tatlong SRA officials na lumagda sa sugar importation. Ganunman, itinuloy din ni Marcos ang pag-import ng asukal subalit 150,000 metric tons lamang. Sa paraang ito, hindi masasaktan ang local sugar manufacturers. Inihayag din ni Marcos na pumayag ang sugar manufacturers na ibaba sa P70 ang kilo ng asukal.
Tiyak na marami pang traders ang nagtatago ng asukal. Inakala kasi nila na magtatagumpay ang sugar importation ng SRA officials para ito ang magtatakip sa asukal na kanilang hino-hoard. Ngayon ay hindi na nila ito mare-release dahil nabulilyaso ang importasyon ng SRA at binabaan pa ni Marcos ang bawat kilo ng asukal.
Paigtingin ang pagsalakay sa mga bodega ng asukal at kasuhan ang mga nagho-hoard na negosyante. Putulin ang pagsasamantala ng mga “dupang’’.
- Latest